MANILA, Philippines – Naghain ang Department of Education (DepEd) ng criminal charges laban sa mga indibiduwal na inakusahan ng pandaraya sa Senior High School (SHS) Voucher Program.
Sa isang matapang na hakbang para protektahan ang public funds at panatilihin ang integridad, inanunsyo ng DepEd sa ilalim ng liderato ni Secretary Sonny Angara na pormal na itong naghain ng tatlong criminal cases laban sa tatlong suspek na sangkot sa fraudulent activities na may kaugnayan sa SHS subsidy program ng gobyerno.
“We filed three criminal charges against three individuals for their fraudulent activities under the SHS Voucher Program,” ani Angara, sabay sabing, “Walang puwang ang panlilinlang sa edukasyon.”
“We will continue to pursue accountability, no matter who is involved,” dagdag pa niya. “We owe it to the Filipino people to protect every peso intended for learners.”
Ang SHS Voucher Program ay mahalagang government initiative na nagbibigay ng financial assistance sa mga kuwalipikadong Grade 11 at 12 students sa pribado o non-DepEd schools.
Ang maling paggamit ng pondo ay direktang nakaaapekto sa access sa kalidad na edukasyon, lalo na para sa mga dehadong kabataang Pinoy.
Sa ilalim ng administrasyong Angara, binigyang-diin ng DepEd ang matibay na posisyon nito laban sa korapsyon at iregularidad.
“Naniniwala tayong hindi dapat nahahaluan ng katiwalian ang edukasyon,” ayon sa DepEd sa Facebook post nito.
Tiniyak din ng DepEd sa publiko na mahigpit itong makikipag-ugnayan sa law enforcement agencies at auditing bodies upang tiyakin ang due process at palakasin ang internal monitoring mechanisms.
Samantala, nananawagan ang DepEd sa lahat ng stakeholders, school administrators, at publiko na mag-report ng anumang kahina-hinalang aktibidad na maaaring makompromiso ang integridad ng education programs. Kris Jose