TUWING may bagyo, sinusubukan ng pamahalaan at lahat ng mamamayan na maging zero casualty tayo.
May panahon na nagtatagumpay tayo lahat ngunit sa mga bagyo lang na mahihina.
Kung malalakas ang bagyo at may kasamang malakas ding ulan, dito tayo pumapalya.
‘Yun bang === may mga nasasawi o forever missing sa lunod, landslide, storm surge at iba pa na nililikha ng mga bagyo at ulan nito.
SA HABAGAT AT CRISING PUMALYA
Sa bagyong Crising, kahit signal number 2 lang ang inabot nito bago lumabas ng Philippine Area of Responsibility, pumalya pa rin tayo.
Karaniwang hindi gaanong nakababahala ang signal number 2 na bagyo ngunit nasawian at nagkaroon pa rin tayo ng tatlong patay at tatlong missing.
Ang nakapagtataka pa, sa Mindanao pa nangyari ang tatlong kamatayan at sa Kabisayaan ang tatlong missing at hindi sa Luzon na sinalanta ni Crising.
Hindi idinetalye ng National Disaster Risk Reduction Management Council kung paano nasawi ang tatlong biktima ngunit ipalagay na lang natin na nasawi sila sa pagkalunod o sa landslide o iba pang mga dahilan.
96,000 APEKTADO, NAGBAKWIT
Sa kabuuan, umabot sa mahigit 96,000 ang naapektuhan ng bagyo at habagat.
Karamihan sa mga ito ang tumakbo sa mga evacuation center habang sa iba pang mga ligtas na lugar tumakbo ang iba.
Karamihan sa kanila ang nakatira sa 150 lugar sa buong bansa na natamaan ng masamang panahon.
Iba pa siyempre libo-libong stranded sa mga biyaheng pang-eroplano, pambarko at panlupa.
At pag-aaral ng milyon-milyong bata napasama rin, maging ang hindi mabilang na negosyante sa kalakal, serbisyo at transportasyon.
BAHA RITO, BAHA ROON
Ang isang naging kapuna-puna, mga Bro, ay ang malawakang mga pagbaha.
Halos lahat ng parte ng Pilipinas binaha, kasama ang mga malalala gaya ng nangyari sa Metro Manila, Negros at iba pa.
Hindi naman talaga maiiwasang magkaroon ng mga baha.
Ngunit kung nagtatagal ang mga ito, ke malalim o mababaw, may problema tayo.
NASAAN ANG MGA ANTI-FLOOD PROJECT?
Ang problema kung may matagalang baha at malala ay mapipilitan tayong magtanong ng “Nasaan na ang bilyon-bilyong inuubos ng pamahalaan upang malabanan ito?”
Napakahalagang katanungang ito dahil sa nakalipas na tatlong taon, mahigit nang P600 bilyon buwis ng bayan ang ibinuhos laban sa baha, pwera pa ang bilyon ding anti-flood projects ng mga local government unit.
SOLUSYON SA BAHA PAG-ARALAN NANG HUSTO
Sinasabing palala nang palala ang mga pag-ulan at pagbaha dahil sa climate change.
Subalit, kung iisipin, may magagawa laban dito lalo na sa parte ng mga awtoridad,
Ang batayan? Naglalaan tayo ng buwis para rito na daan-daang bilyong piso taon-taon, kasama ang P305B para sa taong 2025.
Hindi tayo magbubuhos ng salaping bayan laban sa baha kung wala tayong paniniwala na masosolusyunan ito.
Kung gayon, nasaan na ang mga pag-aaral at solusyon sa baha, lalo na ang mga matagalan at malala?
Ngunit hindi lang ang gobyerno ang dapat na bumalikat dito.
Sa parte ng mga mamamayan, nasaan ang disiplina, halimbawa sa tamang pagtatapon ng basura upang walang magbara na daluyan ng tubig-baha at paghihiwalay ng mga nabubulok at hindi nabubulok?






