NETHERLANDS – Iginiit ni Vice President Sara Duterte nitong Sabado na nakipagsabwatan ang administrasyong Marcos sa International Criminal Court para arestuhin ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang talumpati sa rally ng Free Duterte Now sa The Hague, Netherlands, sinabi ni Sara na nagpasya ang ICC na usigin ang kanyang ama para sa crimes against humanity, sa tulong ng administrasyong Marcos, kaugnay sa war on drugs sa kabila ng mga tanong kung sino ang may kinalaman sa mga unlawful killings.
“Ano sabi nila? 30,000 dead. Nagsimula sila sa 12[000]. Umakyat sila sa 15,000. Umakyat sila sa 30,000. Lahat ng mga namatay – DDS. Pero kung hingin mo sa kanila ang listahan, walang listahan ng 30,000. At anong lumabas sa charges nila? 43 counts of murder. Kaduda-duda pa yung ibang sinasabi ng mga biktima dahil hindi masabi, yung totoo na sila ay biktima ng EJK [extrajudicial killings],” sabi niya.
“Alam ng ICC na ganyan ang estado ng kaso, pero pinilit pa rin nilang kunin si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi na nila makuha yun eh. Pero ano nangyari? Binigay siya ng administrasyon ni Marcos. Ginamit, nagkuntsaba ang ICC at ang administrasyon ni BBM. Gamitan tayo dito. Kailangan nyo ng kaso. Kailangan namin palayasin yan dito kasi talong-talo na kami sa politika,” dagdag niya.
Sinabi ni Duterte na ginagamit ng administrasyong Marcos ang ICC para ilayo sa bansa ang nakatatandang Duterte.
“Nagpapagamit ang ICC sa administrasyon ni — administrasyon ni Marcos at si Marcos naman ginagamit niyang ang ICC para malayo, makulong o mawala si dating pangulong Rodrigo Duterte sa ating bansa,” ani VP Sara.
“Kasi kung maalala ninyo, bago siya dinala dito sa The Hague ay si dating pangulong Duterte ang foremost staunch, critic ng administrasyon ni Marcos. At para sa kanila, ayaw nila ng merong opposition o ayaw nila ng merong kumokontra sa kanila,” dagdag pa niya.
Natatandaang si Duterte ay inaresto sa Pilipinas ng mga lokal na awtoridad noong Marso 11 batay sa warrant na inilabas ng ICC. Siya ay kasalukuyang nakakulong sa Scheveningen Prison sa The Hague.
Sinabi ni Sara na walang basehan ang pagkakakulong ng kanyang ama.
“Mayroong tao diyan sa loob ng ICC detention na nakakulong na ang pinagbasehan ay marites… Meron tayong dating pangulo na nakakulong dahil ginawa niya ang kanyang trabaho para sa bayan,” saad niya.
“Nakikialam ang ICC sa ginagawa natin para sa bayan natin. Nakikialam sila sa governance ng ating bayan. Nakikialam sila dahil meron silang some sort of, unang-una, agenda at kailangan nila panindigan yung suporta na pera na ibinibigay ng iba’t ibang mga bansa para sa kanila at meron silang ina-apply na global order para sa lahat. Nakikialam sila sa pagpapatakbo o sa gusto ng mga sariling Pilipino para sa kanilang bayan o sa Pilipinas,” dagdag pa rin niya.
Ipinagpatuloy ng Bise Presidente ang kanyang panawagan na palayain si Duterte at makabalik ito sa Pilipinas.
“Kaya tayo nandito kasi gusto natin sabihin sa ICC, bitawan nyo na yan. Huwag nyo kaming pakialaman. Dahil bansa namin ito, kung ano yung gusto namin mangyari, kami lang mga Pilipino ang magdidesisyon,” aniya.
Samantala, sinabi ni Sara na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagpapanggap na “kind” at “low-key.”
“Nagkukunwari siya na mabait. Gusto niya ipakita sa lahat ng mga tao na mabait ako, pero dahil presidente ka manggagaling pa rin sa iyo ang utos. Hindi siya weak leader para sa akin. Ang basa ko sa kanya gusto niyang ipakita na mabait siya na Marcos, hindi siya tulad noong kanyang tatay. Hindi siya yung Marcos na diktador, ang kanya ay ‘lowkey’ ang kanyang gustong i-project sa ating lahat,” ayon kay VP Sara.
Dagdag pa ni Sara, wala siyang nakitang matagumpay na proyekto sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. RNT/MND