SANTIAGO CITY- Parang hayop na itinali ang mga kamay at pinagnakawan ang mga biktima ng tinatayang nasa kalahating milyong piso ang mag-ama ng hindi pa nakikilalang kawatan sa Brgy. Batal, Santiago City.
Tinatayang apat na kalalakihan na armado umano ng baril ang tumangay ng pera at ilan pang mahahalaga at mamahaling bagay mula sa mag-amang biktima.
Sa paunang pagsisiyasat ng mga otoridad ng Santiago City Police Office Station 4, bitbit ang isang cal. 38 na baril, pwersahang pinasok ng mga kawatan ang bahay ng mga biktima na tinutukan umano ng baril bago simulan ang pagnanakaw.
Ginapos umano ng mga suspek ang mag-ama sa loob ng isang kwarto ng nasabing bahay at hinalughog ang tahanan saka tinangay ang tinatayang P500,000.00, dalawang gadgets at brown coin purse na naglalaman ng drivers license, national ID at Landbank ATM card.
Sakay umano ang mga kawatan ng isang kulay gray na Innova na walang plaka na patungong Brgy. Nagassican dito rin sa nasabing lungsod.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga kapulisan ng Presinto Kwatro sa mga kalapit na Police Station sa mga bayan at probinsiya upang mahuli ang mga salarin. REY VELASCO