Home NATIONWIDE NIA nakapagtala ng P339.3M agri damage, mga umapaw na dam

NIA nakapagtala ng P339.3M agri damage, mga umapaw na dam

215
0

MANILA, Philippines – Iniulat ng National Irrigation Administration (NIA) na sa ngayon ay umabot sa P339.3 milyong halaga ng pinsala sa agrikultura ang naitala sa bansa dahil sa epekto ng Severe Tropical Storm Crising at Southwest Monsoon (Habagat).

Batay sa partial report, sinabi ng NIA na apektado ng masamang panahon ang Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems area, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Western Visayas.

Sinabi pa na kabuuang 31,172.23 ektarya ng taniman at 23,385 magsasaka ang apektado ng masamang panahon.

Samantala, nakapagtala rin ang NIA ng P866 million halaga ng infrastructure damage sa buong bansa.

Naabot din ang spilling level ng maraming mga dam.

“Karamihan po ng ating dam dito sa Region III ay nasa spilling level,” ayon kay Josephine Salazar, NIA deputy administrator for engineering operations, sa briefing sa Palasyo.

Iniulat na ang Gumain Dam sa Floridablanca, Pampanga ay nasa 2.3 metro, mas mataas sa spilling level nito na 2.1 metro.

Samantala, lampas din sa spilling level na 4.5 meters ang lebel ng tubig sa Tarlac Diversion Dam sa 6.5 meters.

Ani NIA Administrator Eduardo Guillen, nag-abiso na sila sa mga residente dalawa hanggang tatlong oras bago magpakawala ng tubig ang mga dam.

“Mayroon pong protocol iyan na sinusundan natin with Angat and Ipo Dam. So, at least mga two to three hours alam na po nila,” ani Guillen.

Idinagdag pa niya na ang NIA ay gumagamit ng “advanced weather forecasting system” na may artificial intelligence technology para sa prediksyon kung kailangan nang magpakawala ng tubig.

“Two weeks nape-predict na po namin  kung magrerelease kami ng tubig o hindi dito sa ating malalaking dam dito sa Magat and Pantabangan,” sinabi pa ni Guillen. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here