MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Archdiocese of Manila ang mga Katoliko na ang abo ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay na na-cremate ay dapat ilagak sa isang libingan, mausoleum o columbarium ngayong Undas.
Sa circular na inilabas nitong Biyernes, Oktubre 30, na may petsang Oktubre 24, binanggit ng arkidiyosesis ang Liturgical Guidelines on Cremation ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
“The cremated remains should be buried in a grave, mausoleum, or columbarium…the urn should not be kept permanently at home or family altar,” ayon sa nasabing guidelines.
Sinabi naman ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na nakabatay ang gabay na ito sa paniniwalang Katoliko sa muling pagkabuhay ng katawan at sa dignidad ng bawat tao.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng itinalagang lugar kung saan maaaring alalahanin ng pamilya at komunidad ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
“A cemetery or columbarium also gives family and community a shared place to pray for and remember the deceased,” ani Alminaza.
Ayon sa obispo, karaniwang hindi pinahihintulutan ang pag-iingat ng urn sa loob ng tahanan, maliban na lamang sa mga pambihira at seryosong pagkakataong pinapayagan sa ilalim ng mga kondisyong itinakda ng Vatican.
Ang pahayag ay kasunod ng hakbang ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong na payagan ang mga pamilya na pansamantalang iuwi ang mga urn mula sa Ash Repository and Columbarium ng Garden of Life Memorial Park ngayong Undas.
Layunin umano nito na maiwasan ang pagsisikip sa mga sementeryo at mabigyan ng pagkakataon ang mga pamilya na alalahanin sa kanilang tahanan ang mga yumaong mahal sa buhay. Inaasahang ibabalik ang mga urn sa Nobyembre 5.
Bagama’t nauunawaan ni Alminaza ang hangarin ng mga pamilya na bigyang-pugay ang kanilang mga yumao, sinabi niyang mas naaayon sa gabay ng Simbahan na manatili ang mga urn sa kanilang itinalagang himlayan.
“In light of the Church’s guidance, the more fitting practice is to leave the urn in its resting place and make it easier for families to visit, pray, and remember there,” aniya. RNT/MDS