HABANG binabaha ang Metro Manila at ilang probinsya dahil sa Habagat at Bagyong Crising, bigla na lang lumutang ang isang ulat na layong siraan si Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Ayon sa nasabing report, umano’y ginamit ni Escudero ang kanyang pwesto upang magpasok ng P142.7 bilyon sa 2025 national budget para sa mga flood control at infrastructure project na may mga red flag gaya ng overlapping roadworks at kwestiyonableng flood mitigation efforts.
Ngunit hanggang ngayon, wala pang inilalabas na dokumento, audit report, o anomang opisyal na basehan para suportahan ang mabibigat na paratang. Sa halip, agad ding binura ng Politiko ang isang artikulo mula sa website nito, isang hakbang na lalong nagtataas ng duda kung may katotohanan nga ba ang inilabas na ulat o isa lang itong demolition job.
Habang abala ang mga lokal na pamahalaan sa pagsagip sa mga komunidad na lumubog sa baha, may mga grupong mas pinili ang pagpapakalat ng disinformation kaysa tumulong. Sa halip na solusyon, paninira ang naisip nilang sagot sa gitna ng sakuna.
Hindi si Escudero ang may kontrol sa flood control budget. Sa mga nakaraang taon, sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez, inaprubahan ang bilyun-bilyong piso para sa mahigit 5,000 flood control projects. Si Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, na siyang dating chairman ng House Committee on Appropriations, ang responsable sa pagsusuri at pag-apruba ng mga pondong ito. Kaya kung may tanong kung bakit nananatiling lubog sa baha ang maraming lugar, mas makabubuting doon ito ituon.
Sa halip na makatulong, ang mga mapanirang ulat ay tila nagpapalubha pa sa kahihiyan ni Pangulong Bongbong Marcos. Ilang ulit nang sinabi ng Palasyo na may sapat na pondo at programa laban sa pagbaha, pero ang reyalidad ay patuloy ang perwisyo ng baha sa mga mamamayan. Nasaan ang resulta ng ipinagmamalaking flood control program?
Ayon sa mga political observer, ang black propaganda laban kay Escudero ay bahagi ng plano ng kampo nina Romualdez at Senator Tito Sotto upang kwestyunin ang liderato sa Senado. May balitang layon nitong agawin ang Senate Presidency at buwagin ang suporta kay Escudero.
Ngunit ayon sa mga ulat, 18 na sa 24 senador ang hayagang pumapabor kay Escudero at pumirma na sa isang resolusyon ng suporta. Sa ganitong kalagayan, malinaw na wala nang numerong maaasahan ang kampo nina Romualdez at Sotto. Wala nang tsansa ang dating Senate President na muling makabalik sa pwesto.
May mga hinalang may kaugnayan din ito sa planong pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte. Kung makuha nina Romualdez at Sotto ang Senate leadership, mas mapapadali ang impeachment. Pansinin na sa mga pahayag ni Sotto, malinaw ang kanyang pagkiling laban sa Bise Presidente.






