MANILA, Philippines – Nag-donate ang Grab Philippines ng motorized rescue boats sa lokal na pamahalaan ng Marikina City nitong Lunes upang suportahan ang kahandaan ng lungsod sa panahon ng sakuna, lalo na’t patuloy itong nalalantad sa panganib ng pagbaha dahil sa Habagat at sa epekto ng Bagyong Crising.
Kasabay ng donasyon ng rescue boats, naghatid din ang Grab Philippines ng mahigit 4,000 hot meals sa iba’t ibang evacuation centers sa lungsod bilang tulong sa mga pamilyang lumikas sa gitna ng krisis.
Ang hakbang na ito ay bahagi lang ng mas malawak na inisyatiba para palakasin ang kakayahan ng mga komunidad sa harap ng mga sakuna, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng pagbaha.
“Naniniwala kami na ang bayanihan ay hindi lang tradisyon ng mga Pilipino, ito ay responsibilidad na dapat gampanan, lalo na sa panahon ng pangangailangan,” ayon kay Grab Philippines managing director Ronald Roda.
Kilala ang Marikina bilang isa sa mga pinakabahaing lungsod sa Metro Manila, at patuloy na nakaantabay ang mga awtoridad ng lungsod sa pagtaas ng lebel ng tubig sa Marikina River at sa buong sitwasyon.
Nasa mahigit 700 pamilya, o halos 4,000 indibidwal, ang inilikas bunsod ng pagtaas ng tubig sa ilog, at may 11 evacuation centers na aktibong tumatanggap ng evacuees.
Nagpaabot ng pasasalamat si Marikina Mayor Maan Teodoro sa Grab Philippines sa donasyon nito. Aniya, ang natanggap nilang rescue boats ay hindi lang ordinaryong kagamitan kundi simbolo ng malasakit at pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor. Bagamat umaasa siyang hindi nila ito kakailanganing gamitin, importante aniya ang pagiging handa sa panahon ng sakuna.
“Patuloy kaming nakatuon sa pagtukoy ng mga komunidad na higit na nangangailangan ng tulong at agad kaming kumikilos nang may malasakit. Ang Marikina, na matagal nang lantad sa mga hamon ng kalikasan, ay isa sa mga komunidad na ito. Ang aming donasyon ay isa sa mga paraan para maisakatuparan ang aming pangako,” bigay-diin pa ni Roda.
Inaasahan na ang nasabing donasyon mula sa Grab Philippines ay lalo pang magpapalakas sa kapasidad ng Rescue 161 unit ng Marikina para sa mas mabilis na deployment sa darating pang rescue at relief operations.