Home NATIONWIDE Kahit may bilyong pondo vs flood control, pagbaha isinisi sa basura ng...

Kahit may bilyong pondo vs flood control, pagbaha isinisi sa basura ng publiko

282
0

MANILA, Philippines – Sa kabila ng multi-bilyong pondong inilalaan kada taon upang umayos ang sistema laban sa malawakang pagbaha, mistulang sinisisi pa ng isang senador ang mamamayan sa pagtatapon ng basura na itinuturong sanhi ng pagbaha ng daluyan ng tubig.

Sa pahayag, nananawagan si Senador Loren Legarda na agad at mahigpit na ipatupad ang mga batas pangkalikasan, partikular ang Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003), upang tugunan ang lumalalang epekto ng pagbaha sa Metro Manila at sa buong bansa.

“Nalulunod tayo sa sarili nating basura at kalat,” aniya.

Bilang pangunahing may-akda ng RA 9003, binigyang-diin ni Legarda na ang mga baradong daluyan ng tubig na puno ng solid waste at nagdudulot ng paulit-ulit na pagbaha ay resulta ng hindi pagsunod sa mga regulasyon sa tamang pamamahala ng basura, at malinaw na halimbawa ng kapabayaan sa kalikasan at kawalan ng disiplina na humahantong sa mga sakunang climate-related.

“Barado ang mga daluyan ng tubig dahil sa basura. Ito ay malinaw na patunay ng hindi pagsunod sa ating batas ukol sa solid waste. Ang pagbaha ay hindi lang abala, kundi panganib ito sa ating pamilya, sa ating mga anak, kapitbahay, at mga kababayan. Hindi natin maaasahan ang ligtas, malinis, at hindi binabahang mga komunidad kung patuloy nating binabalewala ang mga simpleng patakaran para sa kalikasan,” diin ni Legarda.

Bukod sa maling pagtatapon ng basura, binanggit din ni Legarda ang mga ilegal na istrukturang itinayo sa ibabaw ng mga daluyan ng tubig at ang mahinang pagpapatupad ng batas sa mga komunidad bilang dahilan kung bakit lalong lumalala ang epekto ng malalakas na ulan dulot ng habagat.

“Marami sa mga daluyan ng tubig, kanal, estero, at maging ilog ay tinayuan ng bahay, gusali, at istrukturang gawa sa semento at aspalto. Kailangang maibalik natin sa dating anyo ang mga estero at kanal bago pa mas maraming Pilipino ang magdusa o mawalan ng kabuhayan, at mas masahol pa, ng buhay. Patuloy tayong binabaha dahil na rin sa ating kapabayaan,” giit ni Legarda.

“Hangga’t hindi tinutugunan ang mga ugat ng problemang ito, walang flood control project ang makakapagprotekta sa atin at sa ating mga komunidad. Dapat nating tanggapin na hindi lang ito problema ng imprastruktura kundi krisis na dulot ng maling pag-uugali at mahinang pagpapatupad ng batas,” dagdag niya.

Nanawagan ang mambabatas sa mga residente na aktibong makilahok sa mga barangay clean-up drive at hinimok ang mga local government unit (LGU), MMDA, at mga pangunahing ahensya ng pamahalaan na paigtingin ang rehabilitasyon ng mga estero, kanal, at mga lugar na madalas bahain.

“Hindi lang responsibilidad ng gobyerno ang pamamahala sa pagbaha. Bilang mamamayan, may tungkulin din tayong gampanan. Nagsisimula sa tahanan ang pag-iwas sa pagbaha. Kung bawat isa sa atin ay magpapakita ng malasakit sa pamamagitan ng maayos at tamang paghihiwalay ng basura, at pag-iwas sa paggamit ng single-use plastics, unti-unti nating masosolusyonan ang problema ng pagbaha. Lahat tayo ay dapat tumulong sa paglilinis at pangangalaga sa ating komunidad,” aniya.

Nanawagan din siya sa maritime sector na ilagay lamang ang kanilang basura sa loob ng kanilang sasakyang pandagat.

“Ang lahat ng bangka, barko, at sasakyang pandagat ay may pantay na tungkulin sa ating mga karagatan. Hindi dapat nagtatapon ng basura sa dagat sapagkat dinadala ito ng agos ng habagat patungo sa mga baybaying komunidad na hindi naman ang sanhi ng polusyon.”

Paalala ni Legarda, “Huwag magtapon ng kahit ano sa kalsada, kanal, daluyan ng tubig, ilog, o dagat. Ang ating mga dagat, karagatan, at ilog ang bumubuhay sa atin; hindi tapunan ng basura ang mga ito.”

Bilang matagal nang tagapagtaguyod ng climate action, binigyang-diin ni Legarda na ang lumalalang epekto ng pagbaha at matitinding lagay ng panahon ay may direktang kaugnayan sa krisis sa klima. Siya ang pangunahing may-akda at sponsor ng Climate Change Act of 2009 at kamakailan ay pinamunuan niya ang isang High-level Meeting ng Climate Vulnerable Forum (CVF), kung saan nanawagan siya sa global leaders na paigtingin ang climate finance, resilience-building, at nature-based solutions.

Si Legarda ay kilalang tagapagtaguyod ng kalikasan at patuloy na isinusulong ang pangangalaga sa likas na yaman bilang mahalagang bahagi ng katatagan sa sakuna at kaunlaran. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here