MANILA, Philippines – Umakyat na sa ₱3.75 bilyon ang pinsala sa imprastruktura dahil sa habagat at mga bagyong Crising, Dante at Emong, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Hulyo 23.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, karamihan ng pinsala ay nasa flood control structures (₱3.25 bilyon), kasunod ang national roads (₱483.69 milyon) at tulay (₱24.48 milyon). Apektado ang mga rehiyon ng Ilocos, Central Luzon, Mimaropa, Western Visayas at Negros Island.
Nabuksan na ang 35 road sections, ngunit lima pa ang sarado sa CAR, Ilocos, Central Luzon at Calabarzon dahil sa landslide at baha. May 27 pang kalsada ang may limitadong daanan.
Dagdag ni Bonoan, halos 10,000 flood control projects ang natapos mula 2022, habang 5,700 proyekto ang kasalukuyang ginagawa at inaasahang matatapos bago mag-2026 upang mapigilan ang pagbaha sa mga pangunahing ilog sa bansa. Santi Celario