Bilang isang lokal na pamahalaan na naniniwala sa kahalagahan ng “transparency,” pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte ngayong umaga ang isang Media Briefing ukol sa sitwasyon ng ating lungsod sa kabila ng pananalasa ngayon Habagat at ng Bagyong Crising.
Inilahad ng ating alkalde ang mga ginawang recovery effort ng ating lungsod at kung paano natin tinugunan ang mga pamilyang apektado ng bagyo.
Higit 10,000 pamilyang QCitizen ang ating inilikas at pansamantalang tumuloy sa ating mga evacuation area kung saan sila’y inalagaan at kinalingan natin — mula sa mga pagkain, gamot, vitamins, at iba pa nilang basic needs. Mayroon ding sapat na social workers, health personnel, at law enforcers sa bawat evacuation area. Gayundin, mayroon silang medical check-ups at 24/7 ang security. Hindi rin natin hinayaang mapabayaan ang ating furbabies, kaya naman, tayo’y nagtalaga ng Veterinary Response Teams.
Maliban dito, nagkaroon ng pagkakataon ang iba pang parte ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council na ilahad ang iba’t ibang mga mahahalagang bagay ukol dito. Nag-report si QCDDRMO Head, Ms. Bianca Perez, patungkol sa response operations, weather situation, at casualty; pinaliwanag naman ni City Engineer, Atty. Dale Perral, ang patungkol sa QC Drainage Master Plan — ang mga napagtagumpayan na natin, mga kasalukuyang ginagawa natin, at ang mga gagawin pa ng ating lungsod; ang mga paraan ng ating pagtugon at pagkalinga naman sa mga evacuee ang inilahad ni Social Services and Development Department (SSDD) Head, Ms. Carolina Patalinghog; at nag-report naman ukol sa sanitation si Mr. Richard Santuille na head ng Department of Sanitation and Cleanup Works (DSQC).
Malungkot namang ibinalita ni Mayor Joy na mayroong 2 kalalakihang nalunod sa gitna ng pagbaha at kami po ay nakikiramay sa kanilang mga pamilya. Gagawin po ng ating lokal na pamahalaan ang lahat upang matulungan ang kani-kanilang mga pamilya.
“At, dalawa namang menor de edad ang patuloy na hinahanap ng ating mga rescue team. Hindi po tayo titigil hangga’t hindi sila nahahanap, at maibalik sa kanilang mga pamilya. “
Nagpapasalamat naman ang alkalde sa bawat isa para sa pakikipagtulungan at pakikipagbayanihan. “Ang inyong malasakit ang tunay na lakas ng ating lungsod.” DANNY QUERUBIN