Home NATIONWIDE 3 patay sa gumuhong lupa, pader sa Tagaytay

3 patay sa gumuhong lupa, pader sa Tagaytay

280
0

MANILA, Philippines – Nasawi ang tatlong lalaki habang isa naman ang nasugatan matapos gumuho ang lupa at pader ng tinutuluyang barracks ng mga ito sa Barangay Iruhin West sa Tagaytay, Huwebes ng umaga.

Ayon sa mga awtoridad, gumuho at lupa at bumigay ang retaining wall sa bahagi ng Bgy. Cabangaan sa Silang Cavite, at bumagsak sa barracks ng mga biktima sa panig ng Tagaytay.

“Yung gumuho po is from Silang side at ‘yung naguhuan po is Tagaytay side. Ang kinagalingan po ng guho ay Barangay Cabangaan, Silang,” pahayag ni Tagaytay Mayor Brent Tolentino, sa panayam ng ABSCBN News.

“Tapos kami po ‘yung unang rumesponde. Tagaytay LGU po at saka Tagaytay Disaster Risk Office ‘yung unang rumesponde po kasi doon po sa barangay na ‘yun ng Silang hindi po kayo makakapunta doon nang hindi kayo dumadaan ng Tagaytay so kami po yung unang nakaresponde and then tulong-tulong po kami ngayon with Silang LGU and Silang Disaster Risk Management Office,” dagdag pa niya.

Saktong nagpapahinga naman ang mga biktima nang mangyari ang insidente.

Kinilala ang mga nasawi na sina Armond Parte, Mark Ivan Iglio at Felicisimo Geronimo.

“Initially po ang nangyari ay nagkaroon po ng collapse ng structure yung wall na retaining wall nagcollapse kaya yung lupa doon sa itaas gumuho po papunta roon sa site na meron pong barracks ng worker naman po sa kabilang property. Yung buong area yung kahabaan po na sinasabi nila from the kitchen hanggang doon sa mga kwarto kwarto nila ay talaga pong natabunan ng putik,” ayon naman kay Jose Clyde Yayong, pinuno ng Tagaytay CDRRMO.

Agad na isinugod sa ospital ang sugatang construction worker na kinilalang si Jose Geronimo na ngayon ay nasa stable nang kondisyon.

“Nagsisigaw yung mga rescuer nagtatanong kung meron bang nakarinig sa amin at kung nakarinig ka sumigaw ka luckily yung isa po ay nakasigaw na andoon siya sa area so doon nakafocus yung pagconduct po ng search and rescue,” dagdag pa ni Yayong.

Samantala, sasagutin umano ng may-ari ng natabunang compound ang pagpapalibing sa mga biktima at iba pang tulong sa mga naulilang kaanak.

Bubusisiin naman ni Silang Mayor Ted Carranza ang mga dokumento o permit ng tinatayong bahay na pinanggalingan ng landslide.

“Na-aprubahan po ng municipal gov’t noong July 12, 2024 yung kanilang building permit para po sa one-story residential unit… ang pinapa-retrieve ko po ngayon ay ang fencing permit. Considering po yung slope, and I think matibay dapat po yung matibay na pader. Ire-retrieve po namin lahat ng documents to check> This is an accident. heavy downpour of rain…lumambot po yung lupa, bumigay po yung bakod,” sinabi ni Carranza. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here