MANILA, Philippines — Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo ang pagtaas sa bilang ng mga dayuhang pugante na naaresto, kung saan nakapagtala ang ahensya ng 268 na pag-aresto mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, isang “fourfold increase” mula sa 69 na pag-aresto na ginawa sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado sa isang pahayag na ang pagtaas ng bilang ng naaresto ay sumasalamin sa “intensified efforts to rid the country of undesirable aliens.”
“The Philippines will not be a hiding place for fugitives. We are determined to flush them out and send them back to face justice,” saad ni Viado.
“Our continued cooperation with foreign governments and international law enforcement agencies will ensure that the Philippines remains a secure nation from these fugitives,” dagdag pa niya.
Kabilang sa mga naaresto ngayong taon ang isang Korean national na si Lee Ji-hwan, noong Enero 8 sa Talisay City, Cebu, dahil sa marahas na pagnanakaw na ginawa sa South Korea, habang ang isa pang Koreano na si Chu Ho-yong, ay nahuli noong Pebrero 13 dahil sa panloloko sa kapwa Korean nationals ng 2.26 billion won (P93 million) sa pamamagitan ng investment scams.
Binanggit din ng BI na si Chu ay diumano’y nauugnay sa telecom fraud operations sa Pilipinas, at itinuring na “high-value target” ng mga awtoridad ng Korea.
Apat na Japanese national din ang dinakip sa pagitan ng Enero at Abril ngayong taon dahil sa umano’y bahagi ng isang sindikato na ang modus ay kinabibilangan ng pagpapanggap na mga pulis para pumasok sa mga tahanan at gumawa ng mga nakawan.
Naalala ng BI na pito pang Japanese national ang inaresto noong Mayo 21 dahil sa “similar crimes,” kasama ang grupong kilala sa pagtarget sa mga matatanda sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga miyembro ng awtoridad upang nakawin ang kanilang credit card at mga detalye sa pagbabangko.
Sinabi ng ahensya na ang lahat ng nahuli na dayuhang pugante ay paalisin sa bansa dahil sa pagiging “undesirable aliens” matapos sumailalim sa mga paglilitis sa deportasyon. RNT/MND