Bulacan – Arestado sa loob ng limang minutong hot pursuit operation ng mga awtoridad ang 74 anyos na lalaking walang habas na nagpaputok ng baril sa bayan ng San Miguel nitong Linggo, Hulyo 27.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas “Mining”, residente ng Brgy. Bubulong Munti, San Ildefonso.
Sa report ni PLTCOL Jowilouie Bilaro, hepe ng San Miguel police station, naganap ang insidente Linggo ng hapon sa Brgy. Tartaro.
Ayon sa report, naaresto ang suspek bandang alas-5:00 ng hapon sa kaparehong petsa at araw sa pamamagitan ng mabilisang hot pursuit operation.
Nabatid na nakatanggap ang istasyon ng sumbong mula sa mga residente na may isang lalaking nagbanta sa kanila at walang habas na nagpaputok ng baril sa kanilang lugar.
Dahil dito, agad na rumesponde ang mga pulis sa lugar at inginguso ng mga residente kaya nahuli ang suspek sa loob ng limang minutong pagtugis.
Narekober mula sa suspek ang isang Armscor .9mm caliber na paso ang rehistro, magasin na may limang bala.
Sinasabing nagpakita ng dokumento ang inarestong suspek sa rehistro ng baril subalit sa beripikasyon ay nalamang paso na ang lisensya nito.
Nahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek habang nakakulong sa naturang istasyon. Dick Mirasol III