MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na SONA na palalawakin na sa buong bansa ang programang P20 kada kilong bigas sa pamamagitan ng daan-daang KADIWA stores.
Nagsimula ito noong Abril sa Visayas at ngayo’y nasa mahigit 162 lokasyon na sa buong Luzon, Visayas, at Mindanao.
“Napatunayan natin na kaya ang P20 kada kilo nang hindi nalulugi ang magsasaka,” ani Marcos, binanggit ang mga lugar gaya ng Pangasinan, Cavite, Cebu, Bacolod, at Davao del Sur kung saan nailunsad na ito.
Binalaan din niya ang mga trader laban sa pagmamanipula ng presyo o panlilinlang sa mga magsasaka, na tinawag niyang “economic sabotage.”
Maglalaan ang pamahalaan ng P113 bilyon para palakasin ang mga programa sa agrikultura. Ang bigas ay mula sa NFA at nakalaan para sa mga bulnerableng sektor.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin nitong maabot ang 15 milyong kabahayan sa pagtatapos ng 2026, at malaking tulong ito sa patuloy na pagbaba ng rice inflation. RNT