MANILA, Philippines – Mahimbing nang natutulog ang mga residente nang sumiklab ang sunog sa mga kabahayan sa Barangay 93 sa Tondo, Maynila nitong Martes ng madaling araw, Hulyo 29.
Sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) Tondo Fire Station na 3:53 nang magsimula ang sunog sa Victor Lopez Compound sa kanto ng Capulong Street at agad na inakyat sa unang alarma makalipas lamang ng dalawang minuto.
Sa lakas ng hangin, pahirapan naman ang mga bumbero sa pag-apula sa sunog na nagsimula sa ikalawang palapag ng bahay.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bandang alas-4:12 ng umaga at idineklara lamang na fire under control alas-5:35 ng umaga.
Walang inulat na nasawi o nasaktan sa sunog ngunit nasa 100 pamilya naman ang naapektuhan o nawalan ng masisilungan.
Tinatayang aabot sa kumigit-kumulang P100,000 ang halaga ng pinsala ng naturang sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden