Home METRO Koordinasyon ng mga ahensya sagot sa kawalan ng trabaho -DOLE

Koordinasyon ng mga ahensya sagot sa kawalan ng trabaho -DOLE

312
0
AABOT sa libo-libong aplikante ang nakiisa sa isinagawang Mega Job Fair na ginanap sa SM City Valenzuela sa pakikipagtulungan ng Public Employment Services Office (PESO) Valenzuela at Department of Labor and Employment ( DOLE) na nag-aalok ng mahigit sa 5,000 na trabaho sa loob at labas ng bansa mula sa 30 kumpanya. EDGAR RABULAN

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Miyerkules ang kahalagahan ng koordinasyon ng lahat ng ahensya ng gobyerno sa paglikha ng mga de-kalidad na trabaho para sa mga Pilipino.

Ginawa ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma ang pahayag sa ikalawang araw ng post-State of the Nation Address (SONA) discussions sa San Juan City, kung saan idiniin din niya ang papel ng mga employer at pribadong sektor sa paglikha ng trabaho.

“Ang pagbanggit ng ating Pangulo sa mga specific na departamento at mga ahensya kaugnay sa usapin ng hanapbuhay at larangan ng paggawa ay sumasalamin sa mahalagang hallmark o characteristic ng pangkasalukuyang administration. Ang aking tinutukoy ay ang katagang convergence — pagsasama-sama, pagtatagpo, pagkakaisa, pagsasanib ng pwersa ng mga departamento dahil halos lahat naman ng mga departments ay may kaugnayan sa usapin ng paggawa at hanapbuhay,” saad ni Laguesma.

“Sa bahagi ng DOLE at aking kasamahan sa gabinete ng Pangulo, mahalaga samin ang collaboration, cooperation ng private sector. Nabanggit ko nga — ang napakahalagang bahagi ng manggagawa at namumuhunan — ‘yun ang matibay na pundasyon ng mga gawain ng DOLE,” aniya.

Sa kanyang ika-apat na SONA noong Lunes, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang DOLE, Department of Trade and Industry (DTI), at iba pang kaugnay na ahensya ay magpupursige na lumikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho at punan ang mga kakulangan sa kawalan ng trabaho para sa mga manggagawang Pilipino.

Sinabi ni Laguesma na ang DOLE ay nagpapatupad ng iba’t ibang “employment facilitation activities” para isulong ang mga trabaho, kabilang ang pagdaraos ng buwanang job fair.

Sinabi rin niya na pinalalakas ng DOLE ang labor market information system at information dissemination nito sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa media, gayundin sa pamamagitan ng website nito, PhilJobs.net.

Nakikipagtulungan din ang DOLE sa mga local government units (LGUs) sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) program.

“Napakahalaga rin ng coordination sa LGUs dahil nakikita na sa kanilang matapat at maayos na pakikipag-ugnayan sa DOLE, nahihikayat natin ang mga negosyante na existing na palakasin pa at magdagdag ng puhunan,” ayon kay Laguesma.

Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa 2.03 milyon noong Mayo mula sa 2.06 milyon noong Abril ngayong taon, sinabi ng Philippine Statistics Authority noong unang bahagi ng buwan. Ibig sabihin, bumaba ang unemployment rate sa 3.9% noong Mayo 2025 mula sa 4.1% na naitala noong Abril 2025 at Mayo 2024. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here