MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang special permits para sa 20 bus na bibiyahe sa dalawang ruta mula Antipolo City, Rizal patungong Metro Manila upang maibsan ang siksikan ng mga pasahero ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).
Sampung bus ang bibiyahe sa rutang Antipolo-Legarda sa Maynila at sampu naman sa Antipolo-Cubao sa Quezon City. Kalahati rin ng kabuuang bilang ng mga bus ang ilalaan upang madagdagan ang masasakyan ng mga pasahero mula sa Antipolo Station ng LRT-2 sa Masinag.
Ayon kay LTFRB Acting Chair Greg Pua, inilabas ang mga permit bilang tugon sa hakbang ng Department of Transportation (DOTr) na magdagdag ng pampublikong transportasyon habang limitado ang bilang ng mga tren ng LRT-2 na umaandar.
Sa inspeksiyon sa LRT-2 Masinag Station noong Miyerkules, Nobyembre 4, sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na aabot sa 4,000 pasahero ang hindi nakakasakay tuwing rush hour sa umaga, mula alas-6 hanggang alas-8.
“During peak hours from 6 to 8 a.m., [almost] 4,000 people are not able to be served by LRT-2,” ani Dizon.
Dagdag niya, umaabot naman sa 30 hanggang 45 minuto ang paghihintay ng ilang pasahero bago makasakay ng tren.
Iniuugnay ni Dizon ang pagdami ng mga nakapilang pasahero sa pagtaas ng demand matapos ipatupad noong Marso ang 50 porsiyentong diskuwento sa pasahe sa mga linya ng LRT at MRT.
Layunin ng dagdag na mga bus na magsilbing alternatibo sa mga pasaherong hindi agad makasakay ng tren.
“The LTFRB shares the same goal of providing alternative modes of transportation for LRT-2 passengers, especially during the morning and afternoon rush hours, who just want to go to work and back home as early as possible,” pahayag ni Pua.
Dagdag niya, makatutulong din ang mga bus upang makatipid ang mga pasahero dahil mababawasan ang pangangailangan nilang sumakay pa ng ibang sasakyan, gaya ng traysikel, upang makarating sa kanilang destinasyon.
Dadaan ang 10 bus na patungong Legarda sa Marcos Highway, E. Rodriguez Sr. Avenue at España Boulevard.
Samantala, dadaan naman sa Marcos Highway at P. Tuazon Boulevard ang 10 bus na patungong Cubao.
Magbibigay ang mga ruta ng access sa mga paaralan at iba pang mahahalagang lugar sa Metro Manila. Kabilang sa mga paaralang malapit sa rutang Legarda ang University of Santo Tomas, Far Eastern University, University of the East at Trinity University of Asia.
Ang mga bus naman na patungong Cubao ay maglalapit sa mga pasahero sa EDSA Busway at mga istasyon ng MRT-3.
Ayon kay Pua, gagamit ang mga bus ng mga itinalagang hintuan upang maging maayos ang pagsakay at pagbaba ng mga pasahero.
Nasa P80 ang regular na pamasahe mula Antipolo hanggang Legarda, ngunit P66 lamang ang babayaran ng mga pasahero dahil sa diskuwento. P55 naman ang pamasahe para sa mga estudyante.
Kayang magsakay ng bawat bus ng 45 pasaherong nakaupo at hanggang 70 pasahero kung kasama ang mga nakatayo.
Sinimulan ng DOTr ang trial run ng 20 bus noong Miyerkules, Nobyembre 4, upang masukat ang dami ng pasahero at tagal ng biyahe sa mga ruta.
Sinabi ni Dizon na pag-aaralan din ng ahensya ang posibilidad na magtayo ng busway system sa Marcos Highway, katulad ng EDSA Busway, upang mapahusay ang operasyon ng mga bus.
Gagamitin ang resulta ng trial run upang malaman kung kailangan pang magdagdag ng mga bus batay sa aktuwal na demand ng mga pasahero.
“The number of augmentation units could increase based on actual passenger demand and future operational requirements,” ayon kay Pua. RNT/MDS