MANILA, Philippines – Ipinahayag ni Navotas Rep. Toby Tiangco na siya’y magiging independent member ng House of Representatives sa 20th Congress.
“Hindi ito isang madaling desisyon, ngunit ito ay hindi na rin bago sa akin—mula December 2011 hanggang 2019, ako rin ay naging independent, at alam kong hindi madali ang landas na ito,” pahayag niya.
Aniya, hindi na niya kayang suportahan ang kasalukuyang liderato ng Kamara matapos ang isyu sa 2025 national budget, na hindi na umano dapat maulit.
Giit ni Tiangco, mahalaga ang maayos at transparent na pagbuo ng 2026 national budget dahil dito nakasalalay ang serbisyo para sa publiko.
Tinutulan niya ang umano’y mga “sikretong sinisingit” sa pondo, at aniya mas magiging epektibo siyang maisusulong ang reporma bilang isang independent.
“Hindi na pwede ang dating sistema ng pagtalakay sa budget. May mga kailangang baguhin sa proseso ng pagbubuo ng budget, kailangan na transparent ito mula simula hanggang matapos,” pahayag ng mambabatas. RNT