MANILA, Philippines – Nakatakdang magpatawag ng summit ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kasama ang mga mayor ng Metro Manila para ma-institutionalize ang disiplina ng publiko sa pamamahala ng basura upang matugunan ang pagbaha.
Sa pagsasalita sa talakayan ng Post-State of the Nation Address (SONA) tungkol sa Environmental Protection at Disaster Risk Reduction nitong Martes, muling ibinalik ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang kanyang panawagan para sa isang pinag-isang sistema ng pagkontrol sa basura sa local government units (LGUs) upang matugunan ang patuloy na pagbaha na pinalala ng pagbabago ng klima.
Binigyang-diin ni Remulla ang ilang dekada na kawalan ng cohesive solid waste management planning, partikular sa Metro Manila, na malaki ang naiambag sa mga baradong daluyan ng tubig na nagreresulta sa malawakang pagbaha.
Dapat aniyang ma-institutionalize ang pampublikong disiplina sa pamamahala ng basura, kahit na binigyang-diin niya na ang mga natural na daluyan ng tubig ay hindi mga dumpsite kundi mahahalagang ecosystem na dapat protektahan.
“Dapat may systematic approach na east, west, north, and south sa buong Metro Manila, [dapat] meron na tayong integrated waste management systems na ma-service ang buong city,” saad niya.
Binanggit din niya ang mga hamon na nagmumula sa isang probisyon ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991, na nagde-delegate sa pagtatapon ng basura bilang isang municipal concern, na naglilimita sa komprehensibong pagpaplano sa mga lungsod at probinsya.
“We have to revisit and rewrite the Local Government Code and create a more holistic approach to garbage disposal,” ayon kay Remulla.
Aniya, napakahalaga ng mahusay na pangongolekta ng basura sa antas ng munisipyo at barangay para madagdagan ang isinasagawang clean-up operations ng mga sapa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ang Metro Manila ay isa sa mga lugar na higit na tinamaan ng pananalasa ng habagat at mga serye ng weather systems sa bansa noong nakaraang linggo, na nakaapekto sa mahigit 820,000 indibidwal. RNT/MND