MALABON, Philipppines – Nakuha sa isang hinihinalang tulak ng illegal na droga ang aabot P68K halaga ng shabu at isang baril nang maaresto sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong suspek sa alyas na “Miyo”, 47, electrician, at residente ng Brgy. Santulan.
Batay sa ulat, ikinasa ng mga tauhan ni Col. Umipig ang buy-bust operation sa koordinasyon ng PDEA matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng suspek ng shabu.
Isa sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek.
Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng ibinenta niyang isang plastic sachet ng shabu, agad lumapit ang back-up na operatiba at dito inaresto si alyas “Miyo” dakong alas-10:15 ng gabi sa Tila E. Martin St., Brgy. Santulan.
Nakumpiska sa suspek ang nasa 10 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P68,000, buy-bust money at isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala.
Mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceeding sa Malabon City Prosecutor’s Office. /Rene Manahan