Home NATIONWIDE Pagkamatay ng 3 Pinoy crew ng MV Eternity C, kokompirmahin ng DMW

Pagkamatay ng 3 Pinoy crew ng MV Eternity C, kokompirmahin ng DMW

283
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na ina-validate pa ang mga ulat na maaaring namatay ang tatlong Filipino crew member ng MV Eternity C sa pag-atake ng Houthi na nagpalubog sa barko sa Red Sea.

Sa panayam sa radyo nitong Huwebes, idinagdag ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na nawawala rin ang isang Filipino crew.

“Merong tatlo, na ayon sa ulat ay naiwan dun sa barko. Ito yung ulat nung walong survivors, yung na-rescue at nakauwi na, pero wala tayong bodies, wala tayong katawan o labi nila,” aniya.

“So still meron pa rin tayong pag asa na kung possibly ma-confirm pa in some other way and, may isang missing.”

Noong Martes, kinumpirma ni Cacdac na siyam pang Pinoy na tripulante ng MV Eternity C ang nasa kustodiya ng mga rebeldeng Houthi.

Aniya, nasa ligtas na kalagayan umano sila, batay sa komunikasyon ng DMW sa mga pamilya.

“Sila’y pinapayagang tumawag sa kanilang mga pamilya at ayon sa huling mga set of tawag sa kanilang mga pamilya, sila’y nasa maayos naman na kundisyon sa ngayon,” ayon kay Cacdac.

Sa kasalukuyan, sinabi niya na ang DMW ay nasa malapit na koordinasyon sa Department of Foreign Affairs, na nagsisikap sa pagpapalaya ng mga tauhan na hawak ng Houthis.

Sinabi niya na walang ransom ang nakumpirma, at ang mga negosasyon ay nagpapatuloy sa pakikipag-ugnayan sa may-ari ng barko at iba pang mga internasyonal na kasosyo.

Patuloy na nagbibigay ng tulong ang DMW sa mga pamilya ng siyam na tripulante na hawak ng mga Houthis, ito ay sa ilalim ng mga direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sinabi ni Cacdac na siya ay gumawa ng mga personal na pagbisita sa mga pamilya, at ang DMW ay nagbibigay sa kanila ng mga regular na update. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here