MANILA, Philippines – Nanawagan si Navotas City Congressman Toby Tiangco na dapat sumunod sa tamang proseso ang pag-apruba ng General Appropriations Bill (GAB), tulad ng lahat ng iba pang House Bill.
Ayon kay Tiangco, mahalagang ang bawat indibidwal na pag-amyenda ay pagdebatehan sa bukas na sesyon bago aprubahan sa ikalawang pagbasa, matapos maisaalang-alang ang mga rekomendasyon ng komite.
Binatikos din ng mambabatas ang kontrol umano ng tanggapan ng Speaker sa mga programang tulad ng AICS, AKAP, TUPAD, at MAIP. Aniya, ang mga ahensyang tulad ng DSWD, DOLE, at DOH lamang ang dapat may direktang pamamahala sa mga ito.
“And the Speaker’s office must stop controlling AICS, AKAP, TUPAD, and MAIP. What’s happening now, Congressmen are forced to request allocations from the Office of the Speaker,” pahayag ni Tiangco.
“Kapag kailangan hingin sa Office of the Speaker, lumalabas itong Pork Barrel ng opisina niya dahil sa kapangyarihang mag-apruba, mag-disapprove, o magdesisyon kung magkano ang ibibigay,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din niya na ang ganitong sistema ay labag sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Belgica vs. Executive Secretary kung saan idineklarang unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
“When you have to beg from the Office of the Speaker, it blatantly becomes the Speaker’s Pork Barrel… Ito ay katumbas ng post-appropriation control by legislators, na ipinagbawal ng Korte Suprema,” ani Tiangco.
Babala pa niya, kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran, para na ring hinahayaan ang pag-abuso sa kapangyarihan para sa pansariling interes sa halip na para sa kapakanan ng taumbayan. Jojo Rabulan