SA katatapos na ika-apat na State of the Nation Address o SONA ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., isa sa mga mahalagang impormasyong ipinaalam niya sa sambayanan ang mga repormang ginagawa at isinusulong ng Philippine Health Insurance Corporation o PHILHEALTH, partikular ang YAKAP o “Yaman ng Kalusugan Program” na pormal na inilunsad noong nakaraang Linggo na pinangunahan mismo ng Pangulong BBM.
Ibinida rin ni PBBM ang implementasyon ng “Zero Balance Billing Policy” ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) kung saan tiniyak niyang wala nang dapat bayarang out-of-pocket expenses ang mga mahihirap na Filipino sa lahat ng pampublikong ospital.
Tumanggap naman ng papuri mula kay Pangulong BBM ang mga atletang Filipino na sina dating senador Manny Pacquiao, Olympic medalists na sina Hidilyn Diaz, Carlos Yulo, Aira Villegas, at Nesthy Petecio, ang pole vaulter na si EJ Obiena, tennis star na si Alex Eala, mga paralympians na sina Jerrold Mangliwan, Cendy Asusano, Angel Mae Otom, at Ernie Gawilan, at maging ang Philippine Men’s Curling Team.
Nagpasalamat muli si Pangulong BBM sa mga overseas Filipino workers partikular sa mga tripulante ng barko na nalagay sa panganib sa Red Sea, gayundin sa tumutulong na mga bansa kabilang ang Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar at United Arab Emirates.
Binigyang-diin din niya sa harap ng mga mambabatas na hindi niya lalagdaan ang badyet na hindi susunod sa inihandang National Expenditure Program ng pamahalaan kahit pa umano humantong sa re-enacted budget.
Matatandaan na ang 2025 general appropriations act ay may kinahaharap na mga pagkuwestiyon sa Supreme Court at ang paglutang ng budget insertions.
Nabanggit din ng Pangulo ang mga tagumpay ng administrasyon sa ekonomiya, hanapbuhay, agrikultura, edukasyon, enerhiya, serbisyo ng tubig, nutrisyon, kahandaan sa mga kalamidad, at mga programa kontra kahirapan.
Sa pagtatapos ng kanyang SONA na tumagal ng isang oras at sampung minuto, tiniyak ng Pangulo na sa kabila ng mga hamon ng mundo, nasa likod ng mga Filipino ang pamahalaan. Aniya, “At huwag tayong matakot. Huwag tayong titiklop. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Dahil ang Pilipino ay likas na matapang, magaling, masipag, matibay, at mabuti.”






