MANILA, Philippines – Ninakaw ang higit 30 laptop na nagkakahalaga ng halos ₱1.2 milyon mula sa faculty room ng isang paaralan sa Sta. Ana, Maynila, matapos ang pananalasa ng habagat at bagyo noong nakaraang linggo.
Pagbalik ng mga guro nitong Martes, bumungad sa kanila ang sirang pinto at basag na charge cart cabinet. Ayon sa pulisya, dalawang menor de edad na edad 15 at 17 ang utak sa pagnanakaw ng mga laptop na inisyu ng DepEd.
Nahuli sa follow-up operation ang dalawang binatilyo kasama ang tatlong lalaking kasabwat umano sa pagbenta ng mga laptop sa halagang ₱1,000 hanggang ₱2,000 kada isa. Pitong laptop pa lamang ang nababawi ng mga awtoridad.
Inaalam ngayon kung may kasabwat sa loob ng paaralan dahil alam umano ng mga suspek kung anong kwarto ang papasukin.
Aminado ang tatlong suspek sa krimen ngunit iginiit nilang ang mga menor de edad ang pasimuno. Kakaharapin nila ang kasong robbery habang nasa kustodiya na ng DSWD ang dalawang menor de edad. RNT