MANILA, Philippines – Idineklara ng Korte Suprema na kasama ang mga income tax ng mga pribadong kontratista sa bahagi ng pamahalaan sa kita mula sa Malampaya Natural Gas Project.
Isinantabi ng Supreme Court En Banc ang mga singil laban sa Shell Exploration B.V., PNOC Exploration Corporation, at Chevron Malampaya LLC para sa hindi nabayarang income tax.
Taong 1990 nang nilagdaan ng gobyerno ang isang Service Contract sa mga kumpanyang ito para sa Malampaya Project.
Sa ilalim ng kontrata, dapat i-remit ng mga contractor ang 60% ng net proceeds o kita ng proyekto sa gobyerno. Hindi sila pinagbabayad ng anumang buwis maliban sa income tax, pero nakasaad din sa kontrata na ang 60% share ng gobyerno ay sumasaklaw na sa income tax ng mga contractor mula 2002 hanggang 2009. Ito ay kilala bilang tax assumption provision.
Pagkatapos ng post-audit, nalaman ng Commission on Audit (COA) na mahigit ₱53 bilyong income tax ang ibinawas sa bahagi ng gobyerno sa kita ng Malampaya. Nagpasya ang COA na mananagot ang mga kontratista para sa mga buwis na ito dahil walang batas na tahasang nagsasaad na ang kanilang mga buwis sa kita ay dapat maging bahagi ng parte ng gobyerno sa kita.
Kinwestiyon ng mga kontratista ang desisyon ng COA sa Korte Suprema.
Naglabas ang International Chamber of Commerce (ICC) ng arbitral award na kinatigan ang bisa ng tax assumption provision sa Service Contract habang nakabinbin ang kaso.
Sa pagbaliktad ng Korte Suprema sa desisyon ng COA, sinabi nito na nasasaad sa Presidential Decree No. (PD) 87 o ang Oil Exploration and Development Act na ang mga income tax na binayaran ng mga kontratista ay kasama sa garantisadong 60% na bahagi ng pamahalaan sa kita mula sa mga operasyon ng petrolyo. Isinasaad din ng batas na ang gobyerno ay umaako at nagbabayad ng mga income tax ng mga kontratista para hikayatin ang pribadong pamumuhunan sa eksplorasyon ng petrolyo.
Nilinaw ng Korte Suprema na ang tax assumption ay hindi tax exemption. Pananagutan pa rin ng mga kontratista ang income tax, pero ang gobyerno ang nagbabayad para sa kanila bilang bahagi ng parte nito sa kita ng proyekto.
Dagdag ng Korte Suprema, iginagalang nito ang arbitral ruling ng ICC, alinsunod sa patakaran ng Estado na pinapaboran ang arbitrasyon. RNT