MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa P40.5 milyon ang halaga ng mga ismagel na vape products at iba pang mga regulated goods na nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) matapos magsagawa ng inspeksyon sa Manila International Container Port (MICP) nitong Huwebes, Hulyo 31.
Ayon sa BOC, ininspeksyon nila ang tatlong container van na nagmula sa China, kung saan nadiskubre nilang puno ito ng mga kontrabando matapos ideklarang naglalaman lamang ng mga kitchenware.
Nabatid mula sa BOC na inisyuhan na ng Hold Order noong Enero 2025 ang naturang mga container van, kasunod ng impormasyong natanggap ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS). Dahil dito, nagsagawa ng pisikal na pagsusuri ang BOC noong Hulyo 14, 2025, na humantong sa pagkakadiskubre ng 81,000 piraso ng samu’t saring produkto ng vape, kasama ang mga sako ng fully refined paraffin wax at iba pang misdeclared items.
“Warrants of Seizure and Detention were issued on July 23, 2025, and the shipments are now under forfeiture proceedings for violations of Sections 117, 1400, 1401, and 1113 of the Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), Republic Act No. 11900 or the Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, and relevant Department of Trade and Industry (DTI) regulations,” saad ng BOC.
Nagsasagawa rin ang BOC ng case build-up upang kilalanin at usigin ang mga responsable, at tinitiyak ang buong pananagutan sa ilalim ng batas. Jay Reyes