MANILA, Philippines – SINABI ng Department of Energy (DOE) na halos tatlong milyong kabahayan, lalo na sa mga remote areas, ang hindi pa nabibigyan ng serbisyo ng kuryente.
“Sa ngayon po kasi sinusunod natin ‘yung pinakahuling survey ng Philippine Statistics Authority kung saan nasasaad kung ilan pa ‘yung mga kabahayan natin na nasa malalayong lugar at hindi pa nabibigyan ng serbisyo ng kuryente — ito po ay almost 3 million households pa po,” ayon kay Energy Undersecretary Mario Marasigan sa Bagong Pilipinas Ngayon.
Nauna rito, iniulat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na umabot na sa higit 2.5 milyong kabahayan ang napailawan sa unang tatlong taon ng kanyang termino.
Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Pangulo na isa sa mga pinatutukan niya nang maupo sa pwesto ay ang naabutang higit limang milyong kabahayan na walang kuryente.
Binigyang-diin ng Pangulo ang patuloy na malawakang pagsusumikap ng Department of Energy (DOE) at National Electrification Administration (NEA) upang matapos na ang nalalabing target sa mga susunod na taon.
“Hahabulin at tutuparin ng DOE at NEA ang nakatakdang dami ng mga kabahayang makakabitan ng kuryente ngayong taon hanggang 2028,” ayon kay Pangulong Marcos.
Para naman sa DOE, naghahanap ito ng ibang opsyon na makatutulong upang makapagbigay ng enerhiya sa mga remote areas.
“Napakahirap na programa ang ating dapat isakatuparan dahil una nga po, malalayo po ang mga lugar at wala pong pwedeng paglagyan ng mga linya ng kuryente. Kaya naghahanap tayo ng iba’t ibang klaseng solusyon para mabigyan natin ng serbisyo ng kuryente kahit hindi sa pamamagitan ng conventional way po,” ayon kay Marasigan.
Kabilang sa kinokonsidera ng Energy Department upang makamit ang nationwide electrification ay ang paglalagay ng microgrids.
“Kung saan ang mga proponents ay magtatayo ng planta at magtatayo ng kanilang sariling distribution system. Isang community po ang tinatarget natin na mayroon pong at least 50 households na puwedeng maging viable sa operation po ng ating private proponents. Ang Department of Energy ay magko-conduct ng mga competitive selection process kung saan natin io-offer itong mga areas na ito sa private sector,” ayon pa kay Marasigan.
Aniya, sa pamamagitan ng Microgrid Systems Act, ang mga kontrata ay inalok sa ilang pribadong kompanya upang maglagay ng microgrids sa ilang komunidad sa Palawan, Camarines Norte, at Quezon.
Subalit sinabi ni Marasigan na target ng gobyerno na magkaroon ng microgrids sa Mindanao, na may mas maraming ‘isolated communities.’
Kinokonsidera rin ng DOE ang pagkakaroon ng solar-powered homes sa malalayong komunidad.
“Itong solar home system na ito ay hindi in the form of donation kundi serbisyo ng kuryente po ulit. Lalagyan natin ng mga solar home system kung saan may kakayahan mag-generate ng electricity through solar power. Mayroon po siyang kakayahan na mag-ilaw ng tatlo hanggang limang bumbilya at probisyon ng isang outlet para makapag-charge,” ayon kay Marasigan. Kris Jose