Home METRO Pagpapaliban sa 2025 BSKE, nakatakdang lagdaan ni PBBM sa Agosto

Pagpapaliban sa 2025 BSKE, nakatakdang lagdaan ni PBBM sa Agosto

309
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE), ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Biyernes, Agosto 1.

Sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia na ipinaalam ng Malacañang sa poll body ang paglagda sa batas na gaganapin sa Martes, Agosto 12.

“In-inform po tayo ng Palasyo na magkaron ng formal signing ng law on BSKE fixing of term and postponement sa August 12 at 2 p.m.,” saad ni Garcia.

Nang tanungin kung kailan pipirmahan ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang batas, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na dapat hintayin ng publiko ang aksyon ng Chief Executive sa usapin.

”Okay, kung hindi ako nagkakamali, parang August 14 po ang pinaka-deadline, so hintayin na lamang po kung ano po ang magiging aksyon ng Pangulo patungkol po dito sa bill na iyan,” ani Castro.

Ang 2025 BSKE ay unang nakatakda sa Disyembre 1, 2025.

Gayunpaman, noong Hunyo, niratipikahan ng Kongreso ang bicameral conference committee report na naglalayong palawigin ang termino ng panunungkulan para sa mga opisyal ng barangay at SK mula tatlo hanggang apat na taon, at ipagpaliban ang halalan sa unang Lunes ng Nobyembre 2026.

Nauna nang sinabi ni Garcia na walang indikasyon mula sa Malacañang na ibe-veto ang panukala sa kabila ng nakabinbing desisyon ni Marcos.

Inilunsad ng Comelec ang sampung araw na nationwide voters registration para sa 2025 BSKE ngayong Biyernes, Agosto 1. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here