MANILA, Philippines – Isinusulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang batas para ma-institutionalize ang “Tara, Basa!” Tutoring program, na naglalayong tiyakin ang pangmatagalang pagpapatupad at pagpopondo nito sa buong bansa.
Sinabi ni Undersecretary Edu Punay ng Innovations and Programs Development Group ng DSWD na nakakuha na ang ahensya ng legislative sponsor para sa panukalang batas.
Aniya ang programa na sumusuporta sa mga mahihirap na mag-aaral sa kolehiyo habang tinutulungan ang nahihirapang mga batang mambabasa, ay isang mahalagang bahagi ng mga pagsisikap ng panlipunang proteksyon ng departamento.
“Ang programa pong ito ay may executive order na mula sa Pangulo [President Ferdinand R. Marcos Jr.] para mas mapabilis ang implementation. Pero yes, tama kayo, para for the longer term, kailangan natin ng batas. Sa Tara, Basa!, nakahanap na kami ng sponsor para sa bill,” sabi niya.
Ayon sa ahensya, ang programa ay nagbibigay ng cash-for-work sa mga mag-aaral sa 2nd hanggang 4th year college mula sa mga pamilyang mababa ang kita, partikular na sa mga kurso sa edukasyon at social work.
Bilang kapalit, sila ay magsisilbing tutor at youth development workers (YDWs) para sa mga struggling o non-reader elementary students, dagdag pa nito.
“Napakahalaga nito sa sustainability at yun ang target namin. Hopefully, maging sing-laki ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ito eventually in the years to come,” saad ni Punay.
Mula noong pilot launch nito noong 2023, ang programa ay umabot na sa mahigit 350,000 benepisyaryo, kabilang ang mga batang mag-aaral, kanilang mga pamilya, at mga estudyante sa kolehiyo.
Ito ay ipinatupad sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) at idineklara na isang flagship program sa ilalim ng Executive Order No. 76, na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Nob. 22, 2024.
Sinabi ni Punay na ang pagpasa ng batas ay magagarantiyahan ang pagpapatuloy at pagpapalawak ng programa, partikular sa mga lugar kung saan nananatiling seryosong alalahanin ang pag-unawa sa pagbabasa. RNT/MND