MANILA, Philippines – Arestado ang siyam na indibidwal sa pagnankaw sa isang underground internet cable sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) officer-in-charge Police Colonel Randy Glenn Silvia sa panayam ng DZBB nitong Sabado, Agosto 2, nagsasagawa ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng anti-criminality operations sa Quirino Highway sa Barangay Bagbag, Novaliches, nang makita nila ang mga suspek na nagkakarga ng mga kable ng internet sa isang van bandang 12:30 ng madaling araw.
Hindi nakapagpakita ng anumang dokumento ang mga suspek at kalaunan ay nakumpirma ng telecommunications company na hindi sila awtorisado para magsagawa ng mga ganitong aktibidad. Agad naman silang inaresto.
Dahil sa illegal na aktibidad ay nawalan ng internet ang ilang residente.
Nasamsam ng mga awtoridad ang dalawang metrong underground cable, cord cutters, crowbars, at isang Hyundai van mula sa mga suspek. RNT/JGC