Home NATIONWIDE Mga warehouse puno pa rin ng rice buffer stocks – NFA

Mga warehouse puno pa rin ng rice buffer stocks – NFA

259
0

MANILA, Philippines – Nanatiling punô ng rice buffer stocks ang mga warehouse ng National Food Authority (NFA) sa buong bansa sa kabila ng sunod-sunod na bagyong tumama nitong nakaraang linggo.

“Hindi pa din substantially nababawasan ang ating stock sa mga bodega,” ayon kay NFA Administrator Larry Lacson sa panayam ng DZBB nitong Sabado, Agosto 2.

Ayon kay Lacson, handa ang NFA sa pagdating ng mga bagyo at dalawa lamang ang napaulat na nasirang bodega. Isa ay sa Alaminos, Pangasinan at isa pa sa La Union.

May sapat na imbentaryo ang NFA na kayang tumagal ng hanggang 12 araw, katumbas ng 452,000 metriko tonelada ng palay o humigit-kumulang siyam na milyong sako ng bigas.

“Sa kadahilanan na ang pumapasok na mga palay na binibili natin sa magsasaka ay mas madami kesa dun sa mga lumalabas na bigas natin,” paliwanag ni Lacson.

Inihayag din ni Lacson ang plano ng ahensya na magtayo ng mga Kadiwa store sa bawat warehouse ng NFA upang makatulong sa mga magsasaka na maibenta ang kanilang ani sa mas maraming lugar.

“Sa mga warehouse mismo ng NFA, maglalagay ang DA ng Kadiwa ng Pangulo. Uumpisahan sa Region 1 at Region 3, at unti-unti itong ilalarga sa iba pang rehiyon,” aniya.

Aabot sa 7,685,943 katao o 2,121,645 pamilya ang naapektuhan ng Tropical Cyclones Crising, Dante, Emong, at ng Habagat sa halos lahat ng rehiyon maliban sa Eastern Visayas. Nangunguna sa pinakamaraming naapektuhan ang Central Luzon na may 2,820,250 katao.

Samantala, naitala ang kabuuang pinsala na P10.08 bilyon sa imprastruktura, P1.96 bilyon sa agrikultura, at P281.66 milyon sa mga irrigation system bunsod ng mga nasabing kalamidad. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here