MANILA, Philippines – Tatlo ang nasawi matapos lumubog ang sinasakyang motorbanca sa Cardona, Rizal, sinabi ng Philippine Coast Guard nitong Sabado, Agosto 1.
Dalawa katao naman ang nasagip ng mga tauhan ng Coast Guard Station (CGS) Rizal.
Lumubog ang motorbanca na sinasakyan ng mga ito sa vicinity waters na sakop ng Barangay Navotas noong Martes, Hulyo 29.
Ang mga biktima ay galing sa Barangay Subay sa Cardona at patungo sa Pililla nang masira ang kanang outrigger boom ng bangka dahilan para lumubog ito.
Lima ang sakay ng motorbanca sa oras ng insidente.
Nagpatuloy naman ang mga tauhan ng CGS Rizal sa paghahanap noong Hulyo 31 at narekober ang isang wala nang buhay na katawan.
Agad naman na dinala ang bangkay sa pinakamalapit na dalampasigan.
Dalawa pang bangkay ang narekober sa isinagawang search and rescue operations na nakilala naman ng kani-kanilang pamilya nitong Biyernes, Agosto 1.
Itinurn-over na ang mga katawan sa Municipal Police para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon. RNT/JGC