Home NATIONWIDE AMLC docs na ibinulgar sa Kamara, confidential – defense witness

AMLC docs na ibinulgar sa Kamara, confidential – defense witness

6
0

MANILA, Philippines – Kumpidensyal ang mga dokumento ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may kinalaman kina Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawa na iniharap sa House committee on justice noong impeachment proceedings.

Ito ang iginiit ng testigo ng depensa sa pagdinig ng Senate impeachment court nitong Huwebes, sa ika-44 na araw ng paglilitis.

Sa pagtatanong ni defense counsel Mark Vinluan, sinuri niya si Atty. Reinel dela Fuente, isang abogado at accountant at dating imbestigador ng AMLC Secretariat’s Compliance and Investigation Group.

Binanggit ni Vinluan ang pagharap ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura sa House justice panel noong Abril 22, kung saan ibinulgar nito ang tatlong kategorya ng dokumento na may kinalaman kina Duterte at sa asawa nitong si Atty. Mans Carpio.

Ayon kay Vinluan, kabilang dito ang:

1.     Summary ng Covered Transaction Reports (CTRs) at Suspicious Transaction Reports (STRs) nina VP Sara Duterte at Atty. Mans Carpio mula 2006 hanggang 2025

2.     Financial Intelligence Reports kay VP Sara Duterte

3.     Investigation Reports kina VP Sara Duterte at Atty. Mans Carpio

Nang tanungin ni Vinluan kung ano ang uri ng mga dokumentong ito, sagot ni Dela Fuente: “Your Honor, these are confidential information, items one, two, and three.”

Mariing tumutol si House Prosecutor Chel Diokno sa linya ng pagtatanong ng depensa, at iginiit na wala sa articles of impeachment ang paratang na money laundering laban kay Duterte.

Iginiit din ni Diokno na dati nang ibinasura ng impeachment court ang alegasyon ng paglabag sa confidentiality kaugnay ng mga dokumento ng AMLC, at ang mga tanong ay tungkol sa pagdinig sa House Committee on Justice.

Sinang-ayunan ito ni Presiding Officer Francis Escudero, pero pinayagan pa rin si Vinluan na magpatuloy. Aniya, nagharap mismo ang prosekusyon ng mga opisyal ng AMLC para suportahan ang paratang ng unexplained wealth, hindi makatotohanang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at hindi pag-divest ng business interests.

Sabi ni Escudero, “on a short leash” ang depensa.

Ganoon din ang sinabi ni Senator-judge Francis Pangilinan — napagpasyahan na raw ang isyu ng confidentiality ng AMLC documents.

“If they wish to question the ruling of this court, bring it to the Supreme Court. Do not bring it here. So we agree with the presiding officer. They are on a short leash. We will not object to their questions but they are on a very short leash,” dagdag ni Pangilinan.

Nilinaw naman ni Vinluan na hindi lang nila sinusuri ang findings ng unexplained wealth kundi pati ang methodology na ginamit ng AMLC sa paggawa ng report.

Sabi ni Escudero: “I see your point, Atty. Mark. Without saying it, you’re trying to show where the AMLC is coming from and that in what they have done, they might not only have violated the law but actually may be showing bias in a certain way for or against one side.”

Pinayagan ng korte ang pagpapatuloy ng pagtatanong habang nananatili ang pagtutol ni Diokno.

Kinewestyon din ni Vinluan si Dela Fuente kung tama bang pagsama-samahin ang impormasyon mula sa CTRs at STRs sa tabular summaries at isapubliko ang kabuuang halaga.

Paliwanag ni Dela Fuente, bahagi ng trabaho ng AMLC bilang financial intelligence unit ng bansa ang pagproseso ng raw transaction data.

“They have to process raw data so that it will add value to any ongoing investigation,” aniya.

Nang tanungin kung maaari bang isapubliko ang aggregate amounts nang walang court order, binanggit ni Dela Fuente ang Section 8-A ng Anti-Money Laundering Act (AMLA) na nagsasaad ng authorized disclosure sa ilalim ng ilang safeguards.

Samantala, kinuwestyon ni Senator-judge Raffy Tulfo kung bakit kailangan pa ang testimonya ng testigo.

Aniya, exempted ang impeachment cases sa mga restriksyon sa pagsisiwalat ng bank deposits.

Pero nilinaw ni Sen. Pia Cayetano na ang exception na binanggit ni Tulfo ay nasa ilalim ng Bank Secrecy Law o Republic Act No. 1405, at hindi ng AMLA.

Sagot naman ni Tulfo, magkaugnay ang dalawang batas.

Humingi ng paumanhin si Vinluan sa mga senator-judge: “The precedents for the next questions.”  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here