Home NATIONWIDE Pagbabawal sa street parking sa Metro Manila suportado ng lawyers’ group

Pagbabawal sa street parking sa Metro Manila suportado ng lawyers’ group

250
0

MANILA, Philippines – Suportado ng grupo ng mga abogado ang mungkahi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipagbawal ang street parking sa ilang kalsada sa Metro Manila, na anila’y matagal nang ipinagbabawal sa ilalim ng batas.

Ayon sa Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), bagama’t pabor sila sa panukalang pagbabawal mula 5 a.m. hanggang 10 p.m., mas makabubuti umanong ipatupad ang total ban sa lahat ng oras alinsunod sa Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code.

“Street parking should be prohibited at all hours, not just during rush hours,” giit ng LCSP.

“Illegally parked vehicles are a persistent obstruction, not only to traffic flow but also to emergency services.”

Binanggit din ng grupo na mahina ang pagpapatupad ng naturang batas at kadalasang pinapahintulutan pa ng mga ordinansa ng mga lungsod ang street parking, na salungat sa pambansang batas.

Ang pahayag ng LCSP ay kasunod ng pag-uusap ng DILG at Metro Manila Council (MMC) ukol sa mungkahing pagbabawal sa pagparada sa lansangan tuwing 5 a.m. hanggang 10 p.m., na ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ay dapat ipatupad sa rush hours o 7 a.m. hanggang 10 a.m. at 5 p.m. onwards.

Bagama’t suportado ang proposal, tinawag ito ng LCSP na “band-aid solution” lamang, at iginiit ang pangangailangan ng mas sistematikong hakbang.

Hinimok din ng grupo ang Kongreso na ipasa ang panukalang batas na mag-oobliga sa mga bumibili ng sasakyan na magpakita muna ng sariling parking space bago makabili ng kotse.

Dagdag pa ng grupo, dapat mamuhunan ang gobyerno sa ligtas, episyente, at maaasahang pampublikong transportasyon upang mabawasan ang pagbili ng mga pribadong sasakyan.

“A single bus, for instance, can transport up to 50 passengers while occupying far less road space than 50 private cars,” ayon sa pahayag ng LCSP.

Binigyang-diin ng grupo na ang panukalang pagbabawal ay hakbang lamang upang ipatupad ang umiiral nang batas, habang nananawagan sila ng matibay at sistematikong sa pagresolba ng matagal nang problema sa trapiko.

Sa ngayon ay wala pang balak ang mga alkalde sa National Capital Region na ipatupad ang total ban.

Ayon kay San Juan Mayor Francis Zamora, chairman ng MMC, mas nais ng mga alkalde na panatilihin ang mga ordinansa sa street parking sa mga hindi abala o maliliit na kalsada.

Magtatatag din ng technical working group upang tukuyin kung aling mga kalsada ang saklaw ng panukalang street parking ban.

Target ng DILG na mailabas ang final policy sa Setyembre 1. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here