MANILA, Philippines – Mas madali na ang pagbiyahe patungong Metro Manila mula sa Laguna sa pagbubukas ng South Luzon Expressway (SLEX) San Pedro Northbound Exit nitong Biyernes, Agosto 1.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nasa 5,000 hanggang 10,000 motorista kada araw ang inaasahang makikinabang mula sa bagong toll exit na magbabawas ng oras ng biyahe patungong Manila ng 45 minuto.
Sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon sa inauguration ceremony na maiiwasan na ang mga motorista na magtungo ng Binan para lamang makapunta ng Manila.
Kinilala naman ni Laguna 1st District Rep. Ann Matibag ang hakbang na ito na makabubuti sa turismo ng probinsya.
Aniya, libo-libo ang pumupunta sa San Pedro tuwing Semana Santa para kay “Lolo Uweng” sa Shrine of Jesus in the Holy Sepulchre.
“(But) when it comes to traffic, usually the tourists from Manila would just go sa Bulacan kasi mas mabilis doon.”
Aniya, mas madali na ring makapunta at makaalis ng San Pedro sa bagong exit at ang Cavite-Laguna Expressway.
Ang konstruksyon para sa 2.3 kilometrong haba ng interchange ay nagsimula noong Hulyo 2018 sa inisyal na budget na P600 milyon ngunit naantala lamang ito sa mga isyu ng right-of-way. Dahil dito ay umakyat sa P915 milyon ang total project cost.
Ani Public Works Secretary Manuel Bonoan, matagal din ang inabot na panahon para mailipat ang informal settler communities na daraanan ng interchange.
Sigurado naman si Bonoan na hindi magiging problema ang pagbaha sa toll road at sinabi pang ang DPWH at San Miguel Corp. ay gumagawa na ng aksyon para masolusyunan ang problema sa pagbaha sa mga kalapit na lugar.
“At saka meron din kaming alternate drainage na nilagay so nagco-complement yung ginawa ng San Miguel Corporation at DPWH,” aniya. RNT/JGC