Home NATIONWIDE DENR nababahala sa illegal mining sa Sultan Kudarat

DENR nababahala sa illegal mining sa Sultan Kudarat

292
0

MANILA, Philippines – Ibinunyag ng Department of Environment and Natural Resources-Region 12 (DENR-12) ang matinding pinsalang dulot ng illegal at mapanirang sluice mining sa kabundukan ng Columbio, Sultan Kudarat, na umabot na sa 15 ektarya.

Ayon kay DENR-12 Executive Director Felix Alicer, lumalawak ang operasyon ng mining operations mula sa bayan ng Tampakan, South Cotabato, patungong Columbio.

Ang dalawang bayan ay nasa paligid ng kontrobersyal na proyekto ng Sagittarius Mines Inc. (SMI) na layong linangin ang pinakamalaking undeveloped na copper at gold reserve sa Southeast Asia.

Isinagawa kamakailan ng multi-agency task force ang isang operasyon sa Barangay Datal Blao upang suriin ang mga ilegal na aktibidad.

Bahagi ito ng tugon sa reklamo ng mga residente kaugnay ng pamumula ng Dalol River noong Nobyembre, indikasyon umano ng mercury contamination mula sa illegal sluice mining.

Ang sluice mining ay isang mapaminsalang paraan ng pagmimina gamit ang malalakas na water jet upang malusaw ang lupa at makuha ang gold ore. Kadalasang ginagamit ang mercury sa prosesong ito, na lubhang nakapipinsala sa kalikasan.

Kinumpirma ni Alicer na nagbago na ang kulay ng ilog mula sa dating kulay brown ay naging mapula pa ito, dahil sa aktibidad.

Isinagawa na rin ng Environmental Management Bureau-Region 12 (EMB-12) ang water sampling upang matukoy ang antas ng kontaminasyon.

Nadiskubre ng task force ang mga abandonadong makeshift shelter at kagamitan tulad ng hydraulic hoses na agad nakumpiska.

Katuwang sa operasyon ang Mines and Geosciences Bureau-12, EMB-12, mga opisyal ng DENR, at mga kawani mula sa Philippine Army at Sultan Kudarat Police.

Nagpahayag din ng suporta si Sultan Kudarat Governor Pax Ali Mangudadatu sa pagsugpo sa illegal mining sa Columbio.

Noong Abril 2011, tatlong operator ang nasawi matapos matabunan sa landslide sa Sitio Bong Anten, Barangay Pula Bato, bahagi ng proyekto ng SMI sa Tampakan.

Patuloy ang panawagan ng DENR sa publiko na makipagtulungan upang mapigilan ang paglala ng ilegal na pagmimina sa mga kabundukang bahagi ng ancestral domain. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here