SANHI ng pagpapatupad ng pamahalaan ng ‘No Balance Billing’, NBB, policy sa mga ospital na pinapatakbo ng Department of Health, DOH, nagpahayag ng pangamba ang Private Hospitals Association of the Philippines, Inc., PHAPI, sa posibleng dagsa ng mga pasyente na hindi na makakayang tanggapin pa.
Ayon sa PHAPI, matagal nang tumutulong ang mga pribadong ospital sa pagbawas ng pasanin ng mga pampublikong ospital, ngunit puno na rin diumano ang kanilang mga charity o basic wards.
Paliwanag pa ng grupo, humigit-kumulang 10 porsyento ng bed capacity ng mga pribadong ospital ay inilalaan para sa basic accommodation, pero kung lalampas doon, nagkakaroon na ng problema, dahil hindi tulad ng mga ospital ng pamahalaan, wala namang natatanggap na subsidiya.
Layunin ng NBB policy na tiyakin na ang mga pasyente sa mga ospital ng DOH ay hindi na magbabayad ng anomang out-of-pocket expenses. Bagama’t positibo itong tinanggap ng publiko, nagbabala ang PHAPI na maaari itong magdulot ng overcrowding na posibleng makaapekto rin sa mga pribadong ospital.
Ayon pa sa PHAPI, maaaring tumanggap ng pasyente ang mga pribadong ospital sa mga emergency cases, kahit lampas na sa itinakdang 10 porsyento. Tatanggapin ang mga emergency patients pero kapag na-stabilize na ang kondisyon ng pasyente ay ire-refer na ito sa pampublikong ospital.
Para sa mga pasyenteng hindi saklaw ng emergency at hindi na maaaring ipasok sa basic wards, maaaring tanggapin sila ng pribadong ospital sa mas mataas na uri ng silid, ngunit kailangan nilang bayaran ang kaukulang dagdag na gastos.
Upang makatulong sa ganitong bayarin, hinihikayat ang mga pasyente na kumuha ng guarantee letters (GLs) mula sa mga ahensyang katulad ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at sa DOH, basta’t may memorandum of agreement ang ospital sa mga nasabing ahensya.
Nilinaw ng DOH na ipapatupad ang NBB policy sa 83 sa kanilang mga ospital, at hindi 87 gaya ng unang inanunsyo, dahil ang ilan sa mga ito ay kasalukuyang nasa ilalim pa ng konstruksyon o pag-develop.
Tiniyak naman ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) sa publiko na may sapat itong pondo para suportahan ang pinalawak na coverage sa ilalim ng NBB. Ipinahayag din nila ang pag-asa na maaprubahan ang panukalang Php 53.26 bilyon na subsidiya para sa taong 2026 upang matiyak ang tuloy-tuloy na implementasyon ng nasabing polisiya.
Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address nitong Hulyo 28, 2025, isa sa mga naging sentro ng pag-uulat ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang implementasyon ng NBB sa mga ospital sa ilalim ng DOH.






