MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang limang suspek matapos makumpiskahan ng mahigit P1.7 milyong halaga ng shabu sa magkakahiwalay na operasyon sa Lanao del Sur.
Sa isang operasyon, naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM), at provincial police ang apat na indibidwal sa isang buy-bust sa Barangay Manila Group, Wao.
Ani PDEA-BARMM Director Gil Cesario Castro, nakumpiska sa mga ito ang 19 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P18,000, buy-bust money, drug paraphernalia, mobile phones, at .22-caliber revolver na may ammunition.
Kinilala ni Castro ang mga naarestong suspek na sina alyas “Boyet,” 54, maintainer ng drug, at mga kliyenteng sina “Obet,” 51; “Jepoy,” 30, at “Roger,” 44.
Sinampahan ang mga ito ng reklamong paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition).
“We remain firm in eliminating drugs in BARMM, including Lanao del Sur,” saad sa pahayag ni Castro.
Samantala, naaresto rin ng pulisya ang 44-anyos na tulak sa pagbebenta ng ipinagbabawal na droga sa isang undercover police agent sa Marawi City.
Tinukoy naman ni Col. Caezar Cabuhat, Lanao del Sur police provincial director, ang suspek na si “Manap,” high-value target mula sa bayan ng Tamparan.
“He was under surveillance for over two weeks before his arrest Sunday,” saad sa report ni Cabuhat.
Nakumpiska naman ng mga awtoridad ang mahigit P1.7 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa suspek sa entrapment operation sa Barangay Patani, Marawi City. RNT/JGC