Home NATIONWIDE Bam nanawagan, pinakamataas na badyet ibigay sa education sector

Bam nanawagan, pinakamataas na badyet ibigay sa education sector

264
0

MANILA, Philippines – Umapela si Senador Bam Aquino nitong Lunes, Agosto 4, sa executive at legislative branches ng pamahalaan na maglaan ng “highest budget ever” sa education sector ng bansa upang matugunan ang matagal nang problema sa education system.

Ang sinabi ni Aquino, chairman ng Senate Committee on Basic Education, ay kasunod ng pagsisiguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address na mananatiling “urgent priority” ng kanyang administrasyon ang edukasyon.

“Well, makikita natin ‘yan sa budget. Nu’ng isang araw, nanawagan na nga tayo na itaas ang budget ng edukasyon, gawin natin itong highest ever sa ating kasaysayan para matugunan ang mga iba’t ibang problema,” ayon sa senador.

“Babantayan ng committee on [basic] education ‘yung mga pangakong ‘yan. Of course natutuwa naman tayo na gagawing priority ang edukasyon sa mga susunod na mga taon pero kailangang bantayan, kailangang masigurado na ‘yung binabanggit sa SONA nangyayari talaga,” dagdag pa niya.

Sinasabi sa 1987 Constitution na dapat maglaan ang Estado ng pinakamataas na budgetary priority sa sektor ng edukasyon.

Matatandaan na nangako si Marcos ng agresibong aksyon para solusyunan ang learning crisis sa sektor ng edukasyon ng Pilipinas, na layong magbigay ng mahabang ginhawa sa mga estudyante, guro at pamilya.

Kinilala rin ng Pangulo ang mga isyu nang malawakang learning poverty, mataas na dropout rates, at mga gap sa pagbabasa, matematika, at science proficiency.

Nauna nang iginiit ni Aquino na dapat magtulungan ang lahat para sa edukasyon nang tanungin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada kung sinusuportahan niya ang liderato ni Marcos.

Ipinunto naman ng senador na nananatili siyang “independent” pagdating sa linya ng politika sa kabila nang desisyon nitong lumahok sa Senate majority bloc upang makuha ang chairmanship ng basic education committee.

“Pareho pa rin kasi ‘yung national alignment ‘no. Hindi tayo sumama sa administrasyon o sa oposisyon. We remain independent pero sa Senate, ‘yung dynamics po diyan, iba talaga. Kaya parehas pa rin ang ating national political alignment, pero sa Senate nag-mayorya tayo para sa education committee,” paliwanag niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here