MANILA, Philippines – Hindi kumbinsido ang ilang dating empleyado ng NAIA sa pagbaba ng New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC) sa overnight parking rates para sa mga biyahero sa NAIA.
Ayon kay Romy Sauler, dating union official ng Philippine Airlines at tagapagsalita ng koalisyon ng PUSO Ng NAIA o Pagkakaisa ng mga Users, Stakeholders at Obrero ng NAIA, hindi ito ang sagot sa problema ngayon sa paliparan na nag-ugat sa public-private partnership sa itinuturing na main international airport.
Sinabi pa ni Sauler na ang iba pang airport fees sa NAIA ang naging dahilan ng jobs dislocation at ng pagkawala ng accessible air transport sa milyun-milyong mga Pilipino.
Iginiit din ni Sauler na hindi naman talaga ang San Miguel Corporation ang totoong nagpopondo sa rehabilitasyon ng NAIA. Aniya, pera umano ng taongbayan ang siyang ginagamit ng SMC sa rehabilitasyon sa paliparan.
Kaugnay nito, hiniling ng grupo ang agarang suspension ng NAIA concession agreement para bigyang daan ang full independent review sa MIA-SMC deal.
Una nang nagbabala ang grupo na posibleng umabot sa 10,000 manggagawa ng NAIA ang mawalan ng trabaho kapag nagpatuloy ang pagsasapribado sa paliparan. (Dave Baluyot)