Home METRO Pag-aresto sa tatay, labas sa pagkasawi ng estudyante sa leptospirosis – Caloocan...

Pag-aresto sa tatay, labas sa pagkasawi ng estudyante sa leptospirosis – Caloocan police

264
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Caloocan City Police Station (CCPS) na wala silang kinalaman sa iniulat na pagkamatay ng isang 20-taong-gulang na estudyante dahil sa leptospirosis nang lumusong ito sa baha upang hanapin ang amang inaresto ng pulisya dahil sa simpleng kaso ng pagsusugal.

Ang nasabing pahayag ay inilabas matapos mag-viral sa social media ang pagkasawi ng estudyante noong Hulyo 27 ng taong kasalukuyan.

“Batay sa mga napatunayang ulat at pagkakasunod-sunod ng pangyayari, walang kaugnayan ang pagkamatay ng biktima sa pagkakaaresto sa ama nito. Walang kinalaman ang operasyon ng pulisya sa naganap na health-related incident, kung saan ito ay nangyari sa ilalim ng iba’t ibang pagkakataon,” ayon sa pulisya ng Caloocan.

Ipinalalabas din sa nasabing post ang umano’y hindi pagsunod ng mga tauhan ng CCPS sa tamang pamamaraan ng pag-aresto, partikular ang hindi pag-abiso sa pamilya ng ama ng nasawi nang arestuhin ito, maging ang pagtatanong sa sinasabing rekomendasyon sa isyu ng piyansa.

Napag-alaman na noong Hulyo 22 ng taong kasalukuyan inaresto ang ama ng 20-anyos na nasawi sa umano’y leptospirosis dahil sa paglalaro ng cara y cruz, ngunit nitong Hulyo 25 lamang ito nakarating sa kaalaman ng kanyang pamilya.

“Kung mayroong pagkukulang ang ating kapulisan, partikular sa pag-abiso sa mga kaanak sa panahon ng pag-aresto, hinihikayat namin na magsumite sila ng normal na reklamo,” pahayag pa ng CCPS.

“Anumang alegasyon ng maling gawain ay masusing iimbestigahan, at ang kinakailangang hakbang pangdisiplina ay isasagawa kung kinakailangan,” dagdag pa nito.

Ayon pa sa CCPS, ang pagrerekomenda ng piyansa ay labas na sa kanilang kapangyarihan.

“Ang rekomendasyon para sa piyansa at sa pansamantalang pagpapalaya ng akusado ay tanging ang piskalya at ang hukuman lamang ang may hurisdiksyon. Walang authority ang Philippine National Police (PNP) sa mga desisyong judicial,” paliwanag pa ng CCPS.

“Nananawagan kami sa publiko na maging mapanuri at maging responsable sa pagpo-post sa online upang maiwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon, nang sa gayon ay hindi maalarma at matakot ang publiko,” dagdag pa ng pulisya ng Caloocan.

— Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here