MAGANDA ang P20 kada kilong bigas na programa ng pamahalaan ngayon.
Isa ito sa mga solusyon sa malawakang paghihirap at kagutuman na nararanasan milyon-milyong Pinoy.
Ayon sa Social Weather Station, may 49 milyon ang naghihirap noong Hunyo, 2025 mula sa 50M noong Abril 2025 o katumbas ng nasa kalahati ng populasyon ng Pinas at 41M naman ang foor poor o nakararanas ng gutom.
Ayon naman sa Statista. com, mula sa nasa 16M kabuuang bilang ng mahihirap, nasa 5 milyong katao ang food poor noong 2024.
Sinasabi naman ng Octa na may 42M mahihirap nitong Mayo 2025 at nasa 35M ang food poor.
Sinasabi naman ng Ibon Foundation na pinaliit ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Philippine Statistics Authority, ang bilang ng mahihirap sa nasa 17 milyong lamang at nasa mahigit 4M lang din ang nagugutom.
Sa usaping 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program, may 4M pamilya o katumbas ng 20M katao ang mahihirap at karaniwang may halong gutom ang paghihirap ng mga ito.
Mula nang pairalin ang programa makaraan ang halalang Mayo 2025, may 1 milyong katao na ang benepisyaryo.
Sa rami ng naghihirap at nagugutom, batay sa sarbey ng mga pribadong surveyor, kasama ang 4Ps, kailan matutugunan ng pamahalaan ang kanilang mga pangangailangan gamit ang P20/K program?
O ang sarili ng pamahalaan na sarbey ang tinutugunan lang nito?
Ngunit paano kung higit na tama ang kwenta ng mga pribadong sarbey, kasama ang sa Department of Social Welfare and Development na 4Ps?
Hindi kaya aabutin ng siyam-siyam ang pagtugon nang tama ang pamahalaan?
Isa pang nakalulungkot na bagay ang katotohanang mga mangingisda at magsasaka ang nakararami sa mga naghihirap at nagugutom, kasama ang mga katutubo.
Malungkot talaga dahil kung sino pa ang mga lumilikha at nagdadala ng mga bigas at ulam, sila pa ang mga nangunguna sa listahan ng mahihirap at nagugutom.
Pesteng Yawa!






