Home OPINION CSOs SA KAMARA, (2) SENADO, WALANG SILBI?

CSOs SA KAMARA, (2) SENADO, WALANG SILBI?

2
0

MAY 13 sinasabing Civil Society Organization na sumali sa deliberasyon ng Kamara sa panukalang batas na 2027 General Appropriations Act.

Inaprubahan ng Kamara ang nasabing GAA noong Oktubre 12, 2026 saka ipinasa sa Senado kinabukasan, Oktubre 13.

Ngayon, nadiskubreng may P190 bilyong insertion na nakita ng mga CSO at umaangal sila ngayon sa Senado.

May P172B ding proyekto ng DPWH na karamiha’y multipurpose buildings, kasama ang barangay halls.

May ₱2B para sa konstruksyon at pagsasaayos ng 180 health facilities sa ilalim ng Department of Health habang may P7B para sa proyektong irigasyon ng National Irrigation Administration.

Para sa Department of Agriculture, may isiningit ding P6B para sa 350 bagong proyekto at dito natuklasan ang ilang Farm to Market Road na nasa gitna ng mga karagatan at ibang mga bansa.

Nakapagtataka lang na naroon sila sa Kamara ngunit tila naging waepek ang kanilang partisipasyon.

Gayunman, makaraang mahawakan nila ang kopya ng GAA na bersyon ng mga kongresman, nakikita nila ngayon ang mga problema sa paglalaan ng pondo, kasama ang multi-bilyong pork barrel ng maraming kongresman.

Hindi nila sinasabing may mga korapsyon sa bersyon ng Kamara ng GAA ngunit ipinauubaya nila sa Senado ang malalim na pananaliksik at kaukulang mga pagkilos.

SENADO AT BICAMERAL CONFERENCE COMMITTEE

Magkakaroon din ng sariling bersyon ang Senado at isasampa ng Kamara at Senado sa Bicameral Conference Committee o Bicam ang pagpaplantsa sa mga gusot o pagkakaiba ng dalawang bersyon.

Sinasabi ng mga senador na padadaluhin nila ang mga CSO sa Bicam meetings ngunit hanggang saan ang magiging partisipasyon ng mga ito?

Ang tiyak, igigiit ng mga mambabatas na ang boses at kapangyarihan nila ang masusunod sa Bicam at hindi ang mga CSO, kasama na rin ang media na magko-cover sa mga talakayan.

Ang tiyak, magkakaroon pa rin ng mga close door caucus na hindi kasali ang mga CSO, maging ang media, at dito karaniwang nagaganap ang mga pagkakasundong hindi na mababantayan.

At paglabas nila, ikakatwiran nila na “sila ang higit na nakaaalam sa mga pangangailangan ng sambayanan at ang paglalaan ng mga kaukulang pondo sa mga programa at proyekto.”

NAGKAGULATAN SA DESISYON NG SUPREME COURT

Nang mabuo ng mga kongresman ang kanilang bersyon, wala pa ang desisyon ng Supreme Court na nagdeklarang labag sa Konstitusyon ang mga GAA na 2024, 2025 at bahagi ng GAA 2026.

Kaya naging malaya ang mga kongresman na nagsingit o nag-insert ng kanilang mga programa at proyekto na may malalaking pondo gaya ng nakagawian na nila noong 2024, 2025 at 2026.

Inilabas ng Hukuman ang desisyon noong Oktubre 20, 2026 at nagiging gabay at nagbigay ng lakas ng loob ngayon sa mga CSO at ilang senador na kuwetiyunin at busisiin nang husto ang bersyon ng Kamara.

ANONG MANGYAYARI SA HULING ARAW?

Walang nakaaalam kung ano ang magiging kalabasan ng GAA na isusumite ng buong Kongreso sa Palasyo para pirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos.

Mabibigyan kaya ng halaga ang mga boses ng CSO o mamamayani ang mga boses ng mga kongresman at senador na may mga pansariling interes sa 2027 budget, lalo’t ito ang badyet na gagamitin para sa halalang 2028?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here