QUEZON — Hindi inakala ng isang negosyante na ang muling pinabalik na empleyado ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan matapos itong barilin sa ulo kasama ang tatlong kalalakihan, iniulat kahapon sa bayan ng San Antonio.
Kinilala ang biktimang si Nestor Calalo, 36-anyos, residente ng Lipa City, Batangas at may-ari ng isang auto mechanic shop.
Sumuko naman sa pulisya ang gunman na si alyas Larry, dating tauhan ng biktima, habang tugis pa ang tatlo nitong kasabwat.
Ayon kay PMaj. Kayvin Ballogan, OIC ng San Antonio Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag bandang alas-2:00 ng madaling araw tungkol sa isang Toyota Innova na inabandona sa gilid ng national highway sa Barangay Loob ng naturang bayan.
Sa pagresponde ng mga pulis, natagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng sasakyan na naliligo sa sariling dugo at may tama ng bala ng baril sa ulo.
Napag-alamang nawawala na si Calalo mula pa noong Lunes ng umaga matapos niyang sabihing pupunta siya sa Rosario, Batangas upang makipagkita sa isang kliyente.
“May kikitain daw na sasakyan ang biktima dahil siya’y nasa buy and sell,” ani Maj. Ballogan.
Makalipas ang ilang oras, isang lalaki na kilala lamang sa alias na “Larry” ang kusang sumuko sa pulisya at umaming siya ang bumaril sa biktima.
Dating empleyado umano si Larry ni Calalo, at may naging alitan sila noon. Ayon kay Ballogan, posibleng pagnanakaw ang motibo.
“Sabi ng asawa ng biktima, may dala raw itong halagang P600,000,” dagdag pa ni Ballogan. Hanggang ngayon ay nawawala pa rin ang pera.
Inamin ni Larry na nakipagkita siya sa biktima sa Barangay Calantas, Rosario, Batangas bandang 11:30 ng umaga noong Lunes. Dahil dating tauhan, pinagkatiwalaan umano siyang muli ng biktima.
Ikinumpisal din ng suspek na may tatlo pa siyang kasamahan nang gawin ang krimen. Sa parehong lugar din umano nangyari ang pamamaril, at si Larry rin ang nagmaneho ng sasakyan patungo sa San Antonio.
Nahaharap ngayon sa kasong robbery with homicide ang suspek.