TODO-DEPENSA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lumalaking debt levels ng Pilipinas.
Para sa Pangulo, ginagamit ang mga utang para mag-invest o mamuhunan sa mga tao, at hindi lamang para takpan ang mga puwang sa national budget.
Inihayag ito ng Pangulo matapos na lumobo ang utang ng Pilipinas sa P17.2 trilyon as of July 2025.
Sa pinakabagong episode ng The BBM Podcast, iginiit ng Pangulo na ang metric ay hindi ganap na nakukuha ang mga pagbabalik sa pamumuhunan sa imprastraktura, social protection, at human capital.
“Yung utang na ‘yon, gagamitin mo naman para pang-training doon sa taong ‘yon. Anong balik nun? Ang balik nun, employment,” ayon sa Pangulo.
Paliwanag pa ng Pangulo, ang utang ay dapat tingnan sa konteksto ng economic growth at asset-building.
“It’s not an absolute number. Like any corporation, may balance sheet ‘yan. The balance sheet has assets and liabilities,” ani ng Pangulo.
“Eh, tingnan niyo ‘yung asset. Nadadagdagan ‘yung asset natin,” aniya pa, sabay sabing ang biggest asset ng bansa ay ang mga manggagawang Pilipino.
Inihambing din ng Pangulo sa business practice, at sinabi na maging ang mga small enterprises ay mayroong utang basta’t nagreresulta ito sa mas mataas na produktibidad o kita.
“Even if you look at any… isang maliit na negosyo, may utang din pero may kinikita. Tapos ‘yung utang na ‘yon, ginagamit pang-investment para palakihin ang negosyo,” aniya pa.
Sa kabilang dako, pinananatili ng Pangulo na ang maayos na pamamahala at tapat na paggastos ay mas mahalaga kaysa iwasan ang sama-samang paghiram.
“Basta’t ‘yung pera ng Pilipinas ay ginagamit sa tamang paraan,” pagtiyak ng Pangulo.
Gayundin, sinabi ng Chief Executive na ang pigilan at hadlangan ang korapsyon sa mga infrastructure projects ay makalilikha ng pagkakataon para sa tinatawag na long-term savings.
“Hindi nakalagay doon dalawang classroom, ginawa lang isang classroom. Binulsa na ‘yung natira,” aniya pa.
At nang tanungin kung ang pag-alis sa pag-aaksaya ay makatutulong na mabawasan ang utang ng Pilipinas, ang tugon ng Pangulo ay:
“Dahan-dahan, mapapababa natin ‘yan.”
Samantala, para sa mga economic managers, ang kasalukuyang debt level ay nananatiling manageable, lalo na’t mas mabilis ang paglago ng GDP ng bansa kaysa sa debt accumulation rate.
Layon din ng national government na bawasan ang deficit-to-GDP ratio sa 3% pagsapit ng 2028. Kris Jose