Home TOP STORIES KMPC, iginiit ang unfair labor practice ng unyon; lockout ipinapanukala

KMPC, iginiit ang unfair labor practice ng unyon; lockout ipinapanukala

208
0

MANILA, Philippines – Naghain ng Notice of Lockout ang Kawasaki Motors Philippines Corporation (KMPC) laban sa 289 rank-and-file union workers, kasunod ng umano’y mga paglabag sa Collective Bargaining Agreement (CBA), kabilang ang pagsasagawa ng ilegal na welga at pagboykot sa mga opisyal na aktibidad ng kumpanya.

Sa dokumentong inihain ng KMPC noong Agosto 4, 2025 sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB), iginiit ng kumpanya na lumabag ang mga manggagawa sa No Strike/No Lockout provision ng kanilang CBA na pinirmahan noong 2022. Ayon sa KMPC, ang ginawang kilos-protesta at pagtanggi ng mga manggagawa sa mga opisyal na aktibidad ng kumpanya ay maituturing na unfair labor practice.

Tinukoy ng KMPC ang tatlong opisyal na aktibidad na umano’y binoykot ng mga manggagawa:

-Anibersaryo ng kumpanya noong Hulyo 24, 2024

-Sportsfest noong Hunyo 15, 2024

-Mandatory overtime noong Abril 30, 2025, na layuning makahabol sa produksyon upang mabawi ang pagkalugi dulot ng pandemya.

Ayon kay Atty. John Bonifacio, external counsel ng KMPC, “Ang patuloy na paglabag sa CBA at ang pagboykot sa opisyal na mga gawain ng kumpanya ay malinaw na anyo ng unfair labor practice, at sapat na batayan sa paghahain ng Notice of Lockout.”

Giit ng kumpanya, sinikap nilang makipag-ayos sa unyon sa “good faith,” ngunit patuloy pa rin umano ang pagtanggi ng mga manggagawa sa mga kompromiso.

“We have exhausted all legal means possible to convince union workers to accept our offer and return to work, because they are disrupting operations, but to no avail,” ani Atty. Bonifacio.

Humihiling ang Kawasaki United Labor Union (KULU) ng 11.5% dagdag-sahod at karagdagang ₱50 na benepisyo. Ngunit ayon sa KMPC, ang kaya lamang nitong ibigay ay 5% salary increase, dahil sa limitado pa rin ang financial capacity ng kumpanya.

Sinabi pa ni Atty. Bonifacio na inaasahang magiging epektibo ang lockout pagsapit ng Agosto 26, 2025, sakaling makumpleto na ng kumpanya ang lahat ng kinakailangang proseso alinsunod sa Labor Code. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here