MANILA, Philippines – Sugatan ang isang ginang matapos saksakin sa likod ng kanyang asawa sa gitna ng kanilang mainitang pagtatalo Martes ng gabi, Agosto 5.
Agad na isinugod ng kanyang mga kamag-anak sa Pasay City General Hospital ang biktima na nakilalang si alyas Arlyn, 32, na idineklarang ligtas na sa kapahamakan matapos itong isailalim sa operasyon upang tanggalin ang nakabaon pang balisong sa kanyang likuran na ginamit sa krimen.
Base sa report na isinumite ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Randy Arceo, nangyari ang pananaksak ng suspek na kinilalang si alyas Boy, 44, sa biktima bandang alas 11:05 ng gabi sa loob ng kanilang bahay sa 48 R. Higgins Street, Andrews Avenue, Barangay 184, Maricaban, Pasay City.
Ayon kay De Sesto, nakatanggap ng tawag ang Pasay police Sub-Station 7 mula sa 911 Kalasag Hotline kung saan naireport ang insidente ng pananaksak.
Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Sub-Station 7 sa lugar kung saan inaresto ang suspek makaraang kilalanin ito ng ilang saksi sa krimen.
Matapos ang pag-aresto ay itinern-over ang suspek sa pangangalaga ng Women and Children Protection Desk (WCPD) at sa Investigation and Detective Management Section (IDMS) para sa pormal na pagsasampa ng kaso laban sa suspek.
Nahaharap sa kasong frustrated parricide at paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004) ang suspek na nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)