Home NATIONWIDE Sa pag-archive sa impeachment, BONG GO: MAG-MOVE ON NA TAYO

Sa pag-archive sa impeachment, BONG GO: MAG-MOVE ON NA TAYO

257
0

MANILA, Philippines – “Mr. President, mag-move on na tayo upang mas magampanan natin ang ating mga pangunahing mandato — at ito ang magpanday ng mga batas. Batas na makatutulong sa mahihirap nating kababayang Pilipino.”

“Nakikiusap ako na magka-isa na tayo para makapagserbisyo na tayo sa ating mga kapwa Pilipino. Maraming salamat, Mr. President.” Ito ang naging mga panawagan kamakalawa ni Senador Bong Go makaraang bumoto pabor sa mosyon na i-archive o itabi ang kasong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Nanalo ang nasabing mosyon sa bilang na 19 laban sa 4 na tumutol at 1 na nag-inhibit at ikinatwiran ni Bong Go na sundin ang desisyon ng Supreme Court na nagsabing labag sa Konstitusyon at void ab initio o walang saysay mula sa simula ang impeachment complaint.

Paliwanag pa niya, nakabatay ang kanyang boto sa respeto sa kapangyarihan ng Supreme Court, pagsunod sa hiwalay na kapangyarihan ng Hukuman, Ehekutibo at Kongreso at pagbabalik ng pokus ng Senado sa kagyat na gawaing lehislatura para sa mamamayan.

Dagdag pa niya, “unanimous” ang Supreme Court sa pagsasabing labag sa Konstitusyon ang Articles of Impeachment, walang hurisdiksyon ang Senado na itayo ang sarili bilang Impeachment Court at immediately executory ang desisyon kaya dapat igalang ito.

Ani Go, “Napakarami pa rin sa ating mga kababayan ang walang maayos at disenteng trabaho. Napakaraming pamilya ang natutulog sa gabi na walang laman ang tiyan. Napakarami pa rin sa mga mamamayan natin ang nagsasangla ng kalabaw, nagbebenta ng ari-arian sa oras na tinamaan sila ng sakit. At napakarami pa ring Pilipino ang hirap makakuha ng mga serbisyo at tulong mula sa gobyerno.”

“Kaya magtrabaho na lang muna tayo. Nabibingi na nga ang mga Pilipino dahil sa ingay ng pulitika, pulitikang hindi naman maisasaing sa umaga, pulitikang hindi naman pwedeng magamit pambayad sa tuition sa paaralan, pulitikang hindi naman makapagbibigay lunas sa mga may sakit.”

“Marami namang mekanismo upang mapanagot ang kahit sinumang opisyal ng gobyerno na may pananagutan, kung meron mang pananagutan. Ang mahalaga ay nagagawa ito sa tama at legal na paraan.” RNT

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here