MANILA, Philippines – Arestado ang isang 44-anyos na lalaki dahil sa paggamit ng pekeng identification card at credit card sa pagbili ng mga gift certificate na nagkakahalaga ng P387,000 mula sa isang supermarket sa Parañaque City.
Kinilala ang suspek na si Fidel. Siya ay naaresto dakong alas-7:40 ng gabi sa Puregold na matatagpuan sa kahabaan ng NAIA Avenue, Barangay Sto. Nino, Parañaque City.
Sinabi ng pulisya na gumamit ang suspek ng pekeng ID at credit card sa ilalim ng pangalan ni Rodolfo Carreon Anastacio para bumili ng mga gift certificate na nagkakahalaga ng P387,000 mula sa Puregold Moonwalk sa Parañaque at sa FTI, Taguig City.
Sinabi ng pulisya na ang totoong tao na si Rodolfo, ay nag-ulat na ang kanyang pagkakakilanlan ay ginagamit para sa pandaraya at wala siyang anumang credit card.
Agad namang inaresto ang suspek at nakakulong sa Parañaque City Police custodial facility.
Kinasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act 8484 (Access Devices Regulation Act of 1998) at Article 178 ng Revised Penal Code (Using Fictitious Name). RNT/MND